Senate hearing sa flood scam, ‘di tuloy
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | April 10, 2026

Photo: FB / Ping Lacson at Luis Chavit Singson
Ipinagpaliban ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig nito sa Abril 14 kaugnay ng maanomalyang flood control projects, habang hinihintay ang pormal na pagsusumite ng sinumpaang salaysay mula kay dating Gov. Luis “Chavit” Singson at ang kailangang mga pirma para sa partial committee report.
Ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” Lacson, maaari niyang ikonsidera ang muling pagpapatawag ng pagdinig kung makapagsusumite si Singson ng kahit kopya man lamang ng kanyang draft affidavit, at kung may lima pang miyembro ng komite ang lalagda sa partial committee report upang maiprisinta ito sa plenaryo ng Senado.
Sinabi ni Lacson na binigyan ng Blue Ribbon Committee si Singson hanggang Abril 7 para isumite ang kanyang draft affidavit, ngunit wala itong natanggap na tugon.
Ipinunto rin ni Lacson na apat pa lamang na miyembro ang lumagda sa partial committee report — kulang ng lima upang maabot ang siyam na lagda na kinakailangan upang makabuo ng mayorya at maiprisinta ito sa plenaryo.
Sinabi ni Lacson na ikinukonsidera niyang maghain ng Chairman’s Report kaugnay ng isyu sa flood control projects at ipasa ito sa Ombudsman, kasama ang mga dokumento, transcript, at iba pang ebidensyang nakalap sa hindi bababa sa pitong pagdinig.




Comments