Sen. Robin Padilla, nagpa-drug test na
ni Lolet Abania | October 5, 2022

Sumailalim ang actor-turned-politician na si Senator Robin Padilla sa drug testing sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City ngayong Miyerkules at negatibo ang naging resulta nito.
Ginawa ito ni Padilla sa gitna ng panawagan para sa mandatory drug testing sa mga aktor at aktres habang naninindigan sa kanyang posisyon na dapat na boluntaryo at hindi mandatory ang magpa-drug test.
Ang panukala ay ginawa ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, kaugnay ito ng naganap na pag-aresto sa aktor na si Dominic Roco at apat na iba pa sa isang drug bust sa Quezon City.
“Kasi meron po tayong idol din na mambabatas, si Cong. Ace. Ang nais po niya mandatory para sa ating mga artista. Ako naman po, dinadagdagan ko lang po ‘yung kanyang mungkahi na pwede rin namang voluntary,” pahayag ni Padilla sa isang ambush interview.
“Hindi lang po sa mga artista ano pati sa mga government official. Tayo na mismo i-submit na natin ang mga sarili natin. Magpa-drug test na tayo para wala nang haka-haka,” dagdag ng senador.
Ayon kay Padilla, ang naturang inisyatiba ay pagpapakita ng suporta sa mga law enforcement agencies sa kanilang laban sa illegal drugs.
Sa isang statement na inilabas ng opisina ni Padilla, sinabi ni PDEA director-general Wilkins Villanueva na ang ahensiya ay bukas sa mga sibilyan, kabilang ang mga aktor, na nagnanais na sumailalim sa drug tests.
Una nang sinabi ni Padilla, “making drug tests mandatory to actors is tantamount to violation of human rights.”
“I am one in seeking to protect our fellow Filipinos from the ill effects of illegal drugs.
This includes my fellow workers in the showbiz industry. However, we cannot oblige anyone to undergo a drug test, as it is tantamount to violating their human rights,” saad pa ni Padilla sa kanyang naunang pahayag.





Comments