Sen. Robin, kumasa kaya sa debatehan sa isyung Cha-Cha kay Sen. Imee?
- BULGAR
- Jan 16, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 16, 2024
KUNG TOTOONG WALA NANG NPA SA ‘PINAS, DAPAT PASALAMATAN DIN NI P-BBM SI EX-P-DUTERTE KASI ADMIN NITO LUMABAN NANG HUSTO SA MGA KOMUNISTA -- Ibinida ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na dahil daw sa matinding kampanya ng pamahalaan kaya’t sa ngayon daw ay wala nang New People’s Army (NPA) na nag-o-operate sa Pilipinas.
Kung totoo ang sinabing ito ni P-BBM na wala na umanong mga NPA sa bansa, aba’y hindi lang mga sundalo at pulis ang dapat pasalamatan ni P-BBM, kasi dapat pasalamatan din niya si ex-P-Duterte dahil ang Duterte admin ang lumaban nang husto sa mga komunista, period!
◘◘◘
‘KADIWA STORE’ SABLAY KAYA BINATIKOS NG KMP -- Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang “Kadiwa store” ng Marcos administration, sablay daw ito dahil hindi naman daw lahat ng Pilipino ay nakikinabang dito.
May punto ang samahan na banatan ito kasi kung maganda talaga ang programa ay hindi naman ito babatikusin. At dahil nga para sa KMP ay sablay ang programang “Kadiwa store” kaya binabatikos nila ito, boom!
◘◘◘
PUMAYAG KAYA SI SEN. ROBIN NA MAKIPAGDEBATE KAY SEN. IMEE SA ISYUNG CHA-CHA? --Tutol si presidential sister, Sen. Imee Marcos sa Charter Change (Cha-cha) at pabor naman si Sen. Robin Padilla sa Cha-cha.
At kapag nakasalang na sa Senado ang usaping Cha-cha, tiyak na magkakaroon ng debate rito ang mga senador. Kaya’t ang tanong: Pumayag kaya si Sen. Padilla na makipagdebate kay Sen. Imee sa isyung ito? Abangan!
◘◘◘
KUNG PERA NG BAYAN ANG GINAMIT SA PAMIMILI NG PIRMA, DAPAT SAMPAHAN NG KASONG ‘MALVERSATION OF PUBLIC FUNDS’ ANG NASA LIKOD NG ‘PEOPLE’S INITIATIVES’ -- Sinabi ng Comelec na posibleng ibasura nila ang “People’s Initiative” para sa Cha-cha dahil nga sa mga ulat na may bumibili ng pirma ng mga botante para mabago ang Saligang Batas.
Sana, kapag ibinasura na ng Comelec ang “People’s Initiative” ay imbestigahan ng Ombudsman kung galing sa kaban ng bayan ang ipinambibili ng pirma ng mga botante, at kapag nalaman na ito ay pera ng bayan, dapat sampahan ng kasong malversation of public funds ang mga nasa likod ng pagwawaldas sa kaban ng bayan, period!
Comments