Sen. Bato, bida-bida sa confi funds, supalpal
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 28, 2023
MAS MAGIGING HAPPY ANG MGA MAGSASAKANG PINOY KUNG IPAPAWALANG-BISA NI P-BBM ANG PAHIRAP NA RICE TARIFF LAW NI EX-P-DUTERTE -- Tinabla ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang kagustuhan nina Sec. Benjamin Diokno ng Dept. of Finance (DOF) at National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan na babaan ang taripa o buwis sa imported rice na ipinapasok sa bansa ng mga rice importers.
Dahil sa sinabing ‘yan ng presidente ay tiyak happy na ang mga magsasaka, at para madagdagan ang kasiyahan ng mga Pinoy farmers, sana ay ipawalang-bisa na rin ni P-BBM ang pahirap na Rice Tariffication Law ni ex-P-Duterte na pumabor sa mga rice importers na nagdulot kaya bumagsak ang presyo ng palay ng mga magsasakang Pinoy, tumaas ang presyo ng bigas at nawala pa sa merkado ang NFA rice, period!
◘◘◘
‘DI NAMAN PALA NANGHIHINGI NG CONFI FUNDS ANG DFA PERO INAALOK PA NI SEN. DELA ROSA KAYA SINUPALPAL SIYA NI DFA SEC. MANALO --Supalpal ang inabot ni Sen. Ronald Dela Rosa kay Sec. Enrique Manalo ng Dept. of Foreign Affairs (DFA).
Sa budget deliberation kasi sa Senado ay isinulong ni Sen. Dela Rosa na need daw ng DFA ang confidential fund para raw mamanmanan o ma-surveillance rin ang galaw ng ibang bansa, at dahil dito ay agad nag-react si Senate Minority Leader, Sen. Koko Pimentel at tinanong si Sec. Manalo kung humihingi ito ng “confi funds” at ang sagot dito ng DFA sec. ay, “No, we’re not asking”, na ang ibig sabihin ay hindi raw humihingi ng confidential funds ang DFA.
Wala naman pala sa isipan ni Sec. Manalo na manghingi ng confidential funds, tapos itong si Sen. Dela Rosa, inaalok pa ng “confi funds” ang DFA, tsk!
◘◘◘
ALLOWANCE NG PRIVATE HEALTH WORKERS SA PANAHON NG COVID-19 AYAW PANG IBIGAY NG DOH, PERO BILYONES NA PERA NG BAYAN IBINIGAY AGAD SA PHARMALLY -- Hanggang ngayon ay hindi pa rin pala naibibigay ng Dept. of Health (DOH) ang health emergency allowance sa mga private health workers na ginawang frontliners ng Duterte administration sa kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 sa bansa.
Mantakin n’yo, ‘yung pinagtrabahuhang “buwis-buhay” ng mga private health workers noong COVID-19 pandemic ayaw pang ibigay ng DOH, pero ‘yung bilyun-bilyong pisong pera ng bayan ay ibinigay agad sa Pharmally Pharmaceutical sa pamamagitan ng Procurement Service-Dept. of Budget and Management (PS-DBM), mga pwe!
◘◘◘
RETIRED GENERAL NA MAY PA-STL-CON JUETENG AT LOTTENG SA BATANGAS AT MALABON, DAKPIN PARA MAHUBARAN NG MASKARA -- Isang retired general daw ang may kontrol ng raket na STL-con jueteng at lotteng sa Batangas at Malabon City.
Pambihira naman ‘tong retired general na ‘to, imbes magpahinga na lang kasi nga retirado na siya, eh mantakin n’yong pumasok pa sa illegal gambling.
Sana, utusan ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas si Police Provincial Director, Col. Samson Belmonte at utusan din ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval si Malabon City chief of police, Col. Jay Baybayan na dakpin ang retired general na ito para mahubaran ng maskara, makilala para matigil na ang pangraraket nito sa mga residente ng Batangas at Malabon, period!





Comments