Seguridad sa mga Eskuwelahan, tiyakin
- BULGAR
- Jan 25, 2023
- 1 min read
@Editorial | Enero 25, 2023
Kasunod ng naganap na pananaksak at pagkakapatay ng isang estudyante sa kanyang kaeskuwela sa loob mismo ng paaralan, may panukala ang kapulisan.
Hinikayat ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga paaralan na kung maaari ay payagang makapasok ang kapulisan sa mga bisinidad ng mga paaralan.
Sa nasabing hakbang ay mababawasan umano ang krimen na nagaganap sa loob at labas ng mga eskuwelahan.
Reaksyon ito ng PNP sa naganap na pananaksak ng mag-aaral sa Culiat High School sa Quezon City na ikinasawi ng 13-anyos na mag-aaral din.
Aatasan umano ang mga pulis na magkaroon ng presensya sa mga paaralan sa buong bansa para maiwasan na ang anumang krimen sa loob at labas ng paaralan.
Nakapanlulumo na ang itinuturing na pangalawang tahanan ng mga bata ay posible rin pa lang maging mapanganib at banta sa kanilang buhay.
Malaking tulong kung may magpapanatili ng kaayusan at seguridad. Gayunman, kailangang pag-aralang maigi at matiyak na hindi naman ito magdudulot ng pangamba lalo na sa mga estudyante.
Batid naman natin na minsan nang naging kontrobersyal ang presensya ng ilang pulis sa loob ng ilang classroom dahil sa bitbit na mga armas.
Kaya dapat na pag-isipan munang maigi.
Habang wala pang pasya, pakiusap sa mga pamunuan ng bawat paaralan, bantayang mabuti ang mga mag-aaral. Kung kailangang kapkapan ang mga bag para matiyak na walang makakalusot na patalim o anumang ilegal na bagay, ay baka puwede naman.


Comments