top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Seguridad sa Airport, dapat tiyakin

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 13, 2023
2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 13, 2023


Sa pagbalikwas at muling paglakas ng paglalakbay mula sa pagkakalugmok nito sa buong mundo noong pandemya, kaliwa’t kanan naman ngayon ang mga hamon na kinakaharap ng ating mga paliparan na nagdudulot ng labis na pagkabahala sa ating mga mamamayan.


Noong Biyernes, nag-anunsyo ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng pinaigting na pagpapatupad ng seguridad sa 42 na paliparan sa bansa matapos makatanggap ng “bomb threat” na ipinadala sa email ng Air Traffic Service nito.


Kamakailan, isang screening officer ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang napanood natin sa viral video na nagsubo ng tatlong daang dolyar diumano na napabalitang galing sa pitaka ng papaalis na banyagang pasahero. Mabilis namang naghain ng courtesy resignation si Office of Transportation (OTS) Security Administrator Mao Aplasca matapos madismaya si House Speaker Martin Romualdez sa mga paulit-ulit na insidente sa airport at nagbantang haharangin ang budget ng OTS para sa 2024.


Hindi lamang sa Pilipinas nararanasan ang mga ganitong nakakayamot at nakakabahalang mga pangyayari kundi maging sa mga paliparan sa iba’t ibang panig ng mundo.


Batid natin na magnet ng puntirya ng mga kawatan, gang o organisadong mga kriminal ang mga airport para maisakatuparan ang kanilang mga maiitim na plano at basagin ang kaayusan at katahimikan.


Ang mga nagdaang malawakang pagkuha ng mga trabahante sa mga paliparan sa iba’t ibang bansa matapos ang pandemya ay nagsilbi ring pintuan para makapasok ang mga may kaugnayan sa mga kawatan sa mga airport.


Malaki nga namang lamang o advantage para sa mga kriminal ‘pag mayroon silang tinatawag na “tao sa loob” para maisagawa ang paglusot sa mga security protocol.


Magugunitang noong Hulyo, tatlong security officer sa Miami International Airport, ang nahuli sa CCTV na kumuha ng mga gamit sa bagahe ng isang pasahero at ibinulsa ang mga ito.


May mga nabalitaan din tayong nagsabwatan at nagpasahan ng ilegal na droga sa mga paliparan sa ibang bansa para kumita ng dalawang libong dolyar.


Kung nakakabahala ang bantang eksternal o mula sa labas, nakapanlulumo naman ang bantang nagmumula sa loob para gumawa ng tinatawag na “inside job” dahil alam nila ang pasikut-sikot sa mga paliparan.


Kaya nananawagan tayo kay Transportation Secretary Jaime Bautista na tiyakin ang maayos na pagsala o pag-screen at pagkuha ng mga kawani ng airport para de-kalidad ang mga ito, na bihasa sa aspeto ng seguridad at hindi isasakripisyo ang kapakanan ng taumbayan sa gitna ng alok ng mga masasamang loob. Para hindi na makompromiso ang seguridad sa ating mga paliparan at hindi na mabansagang isa sa mga “worst airports” sa buong mundo.


Inaasahan nating asintado si Bautista sa aspeto ng paliparan dahil siya ay beterano ng industriya tulad ng alam ng lahat. Mithiin nating maipagmalaki ang ating mga paliparan at kaligtasan sa bayan tungo sa pagpapaigi ng buhay ng ating mga kababayan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 Comment


joseoliveros1947
Oct 13, 2023

Ang unang mukha ng PIlipinas na nakikita ng mga dumarating sa ating bansa, Pilipino o dayuhan man, ay ang ating mga interntional airports. Ang mga ito rin ang natatapunan nila ng huling sulyap pag-alis sa ating bansa. Kaya dapat tiyakin ng mga opisyales ng ating gobyerno na may kinalaman sa transportasyong panghimpapawid na lahat ng darating at aalis sa ating bansa na daraan sa alinman sa ting mga international airports ay magtataglay ng magandang alaala ng kanilang pagdating o pag-alis dahilan sa hindi sila naging biktima ng anumang krimen sa loob ng airport at ang kanilang seguridad ay lubos na napangalagaan.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page