top of page
Search
  • BULGAR

Labi ng 2 Pinoy na nasawi sa Israel, hiling na maiuwi na

ni Ryan Sison @Boses | October 13, 2023


Masakit tanggapin para sa buong pamilya na ang mahal mo sa buhay na nasa ibang bansa upang magtrabaho ay iuuwi na lamang na isa nang bangkay.


Ito ang sakit na nararanasan ngayon ng mga pamilya ng dalawang namatay na Pinoy sa giyera sa Israel, kung saan humihiling na ng tulong para agad maiuwi ang labi ng mga ito sa Pilipinas.


Isa si Paul Vincent Castelvi, caregiver at breadwinner ng pamilya, sa nasawi sa bakbakan ng Israeli forces at Hamas Palestinian Military Group, habang matinding hinagpis ang bumalot sa mag-asawang Nick at Lilina sa pagkamatay ng kanilang anak, maging sa asawa nitong 8-buwang buntis.


Apela ng pamilya ni Paul Vincent na matulungan sila ng gobyerno para mabilis na maiuwi sa ating bansa ang kanyang labi.


Bukod kay Paul Vincent, isa pang 33-anyos na babaeng Pilipino mula sa Pangasinan ang kumpirmadong nasawi sa pag-atake ng Hamas sa Israel. Hiniling din ng pamilya nito na maiuwi na ang kanyang bangkay.


Mabigat ang kinakaharap ng ating gobyerno dahil sa maraming Pilipino na ang nadamay sa giyera sa naturang bansa.


Batid natin na in full force na rin ang mga ahensya ng pamahalaan para matulungan ang ating mga kababayan doon, lalo’t higit ang mga pamilya ng mga nasawi.


Hiling din natin sa mga Pinoy na nasa Israel, patuloy na magdasal at tatagan pa ang loob at isiping matatapos din ang lahat ng ito sa awa at habag ng Diyos.


Dasal natin sa iba pang Pinoy na nananatili sa Israel na maging ligtas sila sa lahat ng oras. Sana ay matigil na ang giyera at makapamuhay na nang mapayapa ang mga mamamayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page