Seguridad at benepisyo sa Contractual Gov't Workers
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 8, 2023
Kung sa mga pribadong kumpanya ay problema ang kawalan ng seguridad ng mga casual employee, nararanasan din ito ng mga manggagawa sa pamahalaan na inabot na ng maraming taon, ngunit hindi pa rin nagiging regular.
Dahil dito, nagsumite tayo ng Senate Bill No. 1703 na naglalayong matiyak ang ‘security of tenure’ ng lahat ng mga contractual employees ng pamahalaan na nagbigay ng mahabang panahon sa pagseserbisyo sa kabila ng kawalan ng benepisyo.
Napakarami ng mga casual employee sa gobyerno na nagtitiis sa kanilang kalagayan dahil sa takot na mawalan ng trabaho, ngunit masyado na silang nasasamantala dahil ang trabahong kanilang ginagawa ay pareho rin ng ginagawa ng isang regular.
Sa kabila pa ng kanilang pagsusumikap, wala pa ring katiyakan kung magkakaroon pa sila ng hanapbuhay matapos ang nakatakdang tagal ng serbisyo sa kontrata at hindi rin sila nakakatanggap ng iba pang benepisyo na tinatamasa ng mga permanenteng government employees.
Nakapaloob din sa isinumite nating panukala na lahat ng kasalukuyang casual at contractual national government employees na nagsilbi nang tuluy-tuloy na hindi bababa sa 5 taon ay kuwalipikado na sa screening, ganundin ang mga empleyado ng 10 taon na tuluy-tuloy ang serbisyo sa lokal na pamahalaan.
Hindi man awtomatikong kuwalipikado ay magiging kabilang ang casual at contractual employees na inabot na ng tamang tagal ng serbisyo ay maaari nang sumailalim sa screening process na ipatutupad ng kanilang Merit Selection Plan.
Ang ating mga government workers na nasa ilalim ng Job Order and Contract of Service schemes ay kasing halaga ng mga regular at permanent civil servants, kaya nararapat lamang na siguraduhin rdn natin na may seguridad sila sa kanilang mga trabaho.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, kailangang isalba natin ang kalagayan ng mga casual nating manggagawa sa pamahalaan at bigyan ng pagkakataong matamasa naman ang kinalalagyan ng mga permanenteng manggagawa.
Ayon sa Inventory of Government Human Resources, mayroong 642,077 Job Order and Contract of Service (JOCOS) personnel hanggang noong Hunyo 30, 2022 na tinatayang nasa 26% ito ng kabuuang manggagawa ng pamahalaan.
Hindi ba’t kamakailan lamang ay naisabatas na ang ating Senate Bill 643 na ako mismo ang principal author at sponsor na ang “AN ACT GRANTING NIGHT SHIFT DIFFERENTIAL PAY TO GOVERNMENT EMPLOYEES INCLUDING THOSE IN GOVERNMENT-OWNED OR CONTROLLED CORPORATIONS AND APPROPRIATING FUNDS THEREFOR.”
Naisakatuparan nating magkaroon ng night shift differential pay ang mga manggagawa ng gobyerno na nagtatrabaho sa pagitan ng alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga kinabukasan.
Sa pinal na bersyon ng naturang batas, lahat ng government employees na nasa position items mula Division Chief pababa o kahalintulad nito, kabilang na ang mga nasa government-owned and controlled corporations, maging permanente, contractual, temporary o casual ay kailangang bayaran ang night differential.
Hindi dapat naiiba ang mga empleyado ng gobyerno kung ikukumpara sa mga pribadong kumpanya at kailangang bayaran sila ng hindi naman hihigit sa dalawampung porsyento (20%) ng bawat oras ng kanilang basic rate.
Ang naturang batas ay inaamyendahan na rin ang Republic Act No. 7305 o Magna Carta of Public Health Workers na nagbibigay naman sa public health workers ng sampung porsyento (10%) lamang mula sa kanilang regular wage bilang kanilang night shift differential pay.
Matapos ang paulit-ulit na paliwanagan at palitan ng mga opinyon sa Senado, isa nang ganap na batas ang inaabangan ng mga manggagawa sa gobyerno, lalo na ang mga public health care workers.
Ganito rin natin inaasahang magiging ganap na batas ang ating bagong panukala hinggil sa kalagayan ng ating mga casual employee upang mabigyan sila ng pagkakataong maging regular upang magkaroon ng seguridad sa kanilang kalagayan.
Kung magiging ganap na batas ang panukala nating ito, magiging halimbawa na rin ang pamahalaan sa paglingap sa mga manggagawa na dapat ay tularan ng mga pribadong kumpanya na ang ilan ay nagsasamantala sa kalagayan ng kanilang manggagawa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments