Segregation scheme ng mga pasahero, ipinatupad sa MRT-3
- BULGAR
- Nov 8, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | November 8, 2022

Nagpatupad ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng isang segregation scheme sa mga pasahero na papasok ng mga train stations para maiwasan ang mahabang pila lalo na kapag rush hours.
Sa ilalim ng scheme, ang lane ng mga pasahero na may dalang malalaking bag ay nakahiwalay mula sa mga pasaherong mayroong maliliit na bag.
Sa report ng GMA News, ang mga pasahero na may big bags ay kailangan pa ring dumaan sa mga X-ray machines, habang ang mga may small bags ay manual na iinspeksyunin ng mga security guards sa pamamagitan ng isang metal detector.
Una rito, lahat ng mga pasahero na may dalang maliliit o malalaking bag, ay dapat na dumaan sa pamamagitan ng X-ray machines, kung saan nagresulta ito sa mahabang pila papasok sa mga istasyon ng MRT-3.
“Na-observe namin na ‘yung pila ay nag-pile up lalo during peak hours at halos nagsisiksikan sa X-ray machine. Doon sila nagbabara. Ngayon, naisip namin bakit hindi paghiwalayin ang mga walang dalang bagahe at may mga dalang maliit na bagahe ihiwalay sa may malaking bagahe,” pahayag ni DOTR MRT-3 General Manager Engr. Federico Canar.
Ayon kay Canar, noong isang linggo ay nagsagawa na sila ng dry run kaugnay dito.
“We conducted a survey during the succeeding days and the passengers said the scheme was acceptable. The flow of queues sped up during the peak hours. We heard positive comments,” saad ni Canar.
Sa ngayon, ang naturang polisiya ay ipinatutupad na sa lahat ng MRT3 stations.




Comments