top of page

Security escort ni Yorme, todas sa riding-in-tandem

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 1 min read

ni Mylene Alfonso @News | March 16, 2026



Mayor Isko Moreno at  sekyu - Brgy. 134 Zone 1

Photo: Mayor Isko Moreno / Brgy. 134 Zone 1



Patay ang isang security escort ni Manila Mayor Isko Moreno matapos barilin nang dalawang ulit ng riding-in-tandem nang makipag-agawan sa mga suspek na humablot ng kanyang kuwintas habang nakasakay ng motorsiklo kahapon ng hatinggabi sa Salonga Buendia, Brgy. 134, Tondo, Maynila.


Hindi na naisalba ng mga doktor sa Tondo Medical Center si Retired Police George Capistrano, 56, nakatira malapit sa pinangyarihan ng krimen.


Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District-homicide section, alas-12 ng hatinggabi nang mangyari ang krimen sa nabanggit na lugar.


Sa kuha ng CCTV, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at sinusundan ng mga suspek.


Inilarawan ng MPD-hs ang dalawang suspek na ang backride ay nakasuot ng pulang rubber shoes, puting t-shirt at asul na helmet, ang driver naman ay nakasuot ng puting helmet at brown na jacket.


Nabatid na nakipag-agawan pa ang biktima sa kanyang kuwintas ngunit binaril siya ng isa sa mga suspek bago nagsitakas patungo sa Honorio Lopez St.


Ayon sa asawa ng biktima, nakarinig siya ng dalawang putok ng baril at nang lumabas para tingnan ay nakita ang biktima na nakahandusay sa kalsada kaya agad na isinugod sa pagamutan.


Nagsasagawa ngayon ng dragnet operation ang MPD para maaresto ang mga suspek.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page