Sebastian Church, delikado sa lindol

ni Mylene Alfonso | February 15, 2023

Nangangamba si Manila 3rd District Cong. Joel Chua na gumuho ang Minor Basilica ng San Sebastian sa Quiapo, ang kauna-unahang simbahan sa buong Asya na gawa sa bakal sa sandaling may tumamang malakas na lindol sa Maynila.
Ito ang isiniwalat ni Chua kung saan kitang-kita na umano ang pagkasira ng istruktura.
“Kinakalawang na ang mga bakal at ang dami na ding bukbok sa loob. ‘Yung altar niya, makikita n’yo umurong kaya kinakailangan na talaga siyang i-rescue sa lalong madaling panahon kaya lamang ay malaking pera, bilyong piso ang kailangan,” ani Chua sa ginanap na Manila City Hall Reporter’s Association (MACHRA) Balitaan sa Maynilove sa Mehan Garden.
Ayon kay Chua, kabilang ang Sebastian Church sa may 20 cultural heritage na kanilang kinilala sa Maynila na hiniling niya sa kanyang panukalang batas na kilalaning national cultural heritage para maipreserba. Nais din na kilalanin ito ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang San Sebastian Church bilang isang heritage site nang sa gayon ay mai-restore ang simbahan.
Itinayo noong taong 1891 ang San Sebastian Church bilang isang natatanging steel building church sa Pilipinas na kinilala bilang isang National Historical Landmark noong 1973 at National Cultural Treasure noong 2011 at matatagpuan sa Plaza del Carmen, sa eastern end ng Recto Avenue, Quiapo, Maynila.





Comments