top of page
Search
  • BULGAR

Search warrant, balido sa loob ng 10 araw mula sa itinakdang petsa

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 19, 2024




Dear Chief Acosta,


Pinasok ang aming bahay ng mga armadong kalalakihan noong Oktubre 2023. Nagpakilala ang mga ito bilang mga pulis at nagpakita ng kanilang mga identification cards. Kasabay nito ay ipinakita rin nila ang search warrant na may petsang Hulyo 2, 2023. Pinalabas kami ng mga nagpakilalang pulis, pati na ang lahat ng tao na nasa loob ng aming tahanan. Nanatili kami sa labas ng bahay at matapos nila itong halughugin ay ipinakita sa amin ang mga ilegal na droga na nakuha diumano nila sa loob ng aming bahay. Nang kami ay papasukin, tumambad sa amin ang napakagulong bahay at nakatumbang mga aparador at mesa. Nais naming malaman kung tama ba ang ginawa ng mga pulis. – Gloria


 

Dear Gloria,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na iyong inilahad ay ang Sections 8 at 10 ng Rule 126 ng ating Revised Rules of Criminal Procedure. Ayon sa nabanggit na pamantayan:


“Section 8. Search of house, room, or premise to be made in presence of two witnesses.- No search of a house, room, or any other premise shall be made except in the presence of the lawful occupant thereof or any member of his family or in the absence of the latter, two witnesses of sufficient age and discretion residing in the same locality. xxx


Section 10. Validity of Search Warrant. - A search warrant shall be valid for ten (10) days from its date. Thereafter it shall be void.” 


Malinaw na nilabag ng mga nagpakilalang pulis ang tamang proseso sa pagpapatupad ng search warrant sa iyong tahanan. Ang search warrant na dala ng mga pulis na may petsang ika-02 ng Hulyo 2023 ay wala nang bisa sa kadahilanang balido lamang ang isang search warrant sa loob ng 10 araw mula sa petsa nito. Bukod pa rito, tanging ang mga nagpakilalang pulis lamang na nagpatupad ng nasabing search warrant ang naiwan sa loob ng bahay at walang naging saksi kung paano nakumpiska ang ilegal na droga sa loob ng inyong tahanan.


Samakatuwid, sa inyong sitwasyon, ang mga nagpakilalang pulis na nagpatupad ng search warrant sa inyong tahanan ay hindi sumunod nang naaayon sa probisyon ng Revised Rules on Criminal Procedure. Dahil dito, maaaring ipawalang-bisa ang ginawang paghalughog sa inyong bahay at pati na rin ang paggamit bilang ebidensya ng mga droga na sinasabing nakuha sa loob ng inyong bahay.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page