Seahorses, pinasadahan ang Radicals Sa NCRAA
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 22, 2023

Walang kabang itinira ni Norman Torreno ang bola na may 2 segundo sa orasan upang ibigay sa bisitang PATTS College of Aeronautics Seahorses ang makapigil-hiningang 66-65 panalo sa host Polytechnic University of the Philippines Radicals sa tampok na laro ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Seniors Basketball Tournament Lunes ng hapon sa punong PUP Gym sa Santa Mesa, Maynila.
Naabot din ng Bestlink College of the Philippines Kalasag ang kanilang unang tagumpay at humabol kontra Lyceum of the Philippines University-Laguna Pirates, 72-62.
Malaking pagbawi ito para kay Torreno na tinawagan ng technical foul at pinaupo bago ang last 2 minutes na naging hudyat ng paghabol ng Radicals mula sa 58-63 hanggang maagaw ang lamang sa dalawang free throw ni Mark Nobleza na may 11 segundong nalalabi, 65-64. Bumalik lang si Torreno para sa kritikal na puntos, ang kanyang ika-20 sa laro at may pagkakataon pa rin ang PUP subalit nagmintis ang tira ni Nobleza sabay ubos ng oras.
Kinalimutan ng Kalasag ang 10-0 panimulang arangkada ng Pirates at matiyagang lumapit. Mula sa huling tabla na 53-53, humataw ng 11 sunod- sunod na puntos ang Bestlink na tinuldukan ng tres ni Marvin Gabane, 64-53, papasok sa huling tatlong minuto. Napiling Best Player si Gabane na may 22 puntos at wakasan ang kanilang dalawang magkasunod na talo.
Sa ibang mga laro, sumosyo ang Olivarez College Sea Lions sa maagang liderato ng liga at tinambakan ang Emilio Aguinaldo College-Cavite Vanguard, 68-55, sa likod ng 13 puntos ni Best Player Miguel Labrador. Parehong 3-0 ang Olivarez at nagpapahingang Immaculada Concepcion College.





Comments