Script, binago para sa kanya… RURU, TODO-PILIT MAG-SHOOTING KAHIT ‘DI PA MAGALING SA AKSIDENTE
- BULGAR

- Apr 9, 2025
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Apr. 9, 2025
Photo: Ruru Madrid Instagram
May blessing naman daw ng doktor ni Ruru Madrid ang pagbabalik niya sa trabaho matapos ngang ma-injure ang kanyang hamstring kamakailan.
Sa latest Instagram (IG) post ng Kapuso actor, ikinuwento niya na dapat ay 2-3 weeks recovery ang sinabi sa kanya ng doktor, pero kinausap daw niya ito na kailangan na niyang bumalik sa trabaho. Pumayag naman daw, basta limitahan lang ang galaw.
Aniya, “After 4 days of bed rest, nakabalik na rin ako sa taping ng Lolong. Sabi ng doktor, kailangan ko raw magpahinga ng 2 to 3 weeks para tuluyang gumaling ‘yung pulled hamstring ko.
“Pero kinausap ko s’ya—sabi ko, kailangan ko nang bumalik sa trabaho. Ang usapan: limitahan lang muna ang galaw ko, at makikipag-coordinate ako sa production kung paano namin maaayos ang mga eksena.”
Makikita nga sa video na ipinost ng aktor na naka-wheelchair at naka-saklay pa siya na pumunta sa set.
“Kinausap ko ang buong team, at gumawa kami ng paraan kung paano maisusulong ang mga eksena kahit limitado ang kilos ko. Mahirap—dahil ‘yung isip ko, gustung-gusto na, pero ‘yung katawan ko, may hangganan pa. Pero alam ko rin, parte ng trabaho ang alagaan ang sarili para makabalik nang buo at mas mabilis,” sey pa niya.
Tsika niya, ini-revise pa ang script para lang nga mabawasan ang mga action scenes niya at laking-pasasalamat niya sa pag-a-adjust na ginawa ng produksiyon.
“Ang laking pasasalamat ko sa buong Lolong family. Sila ang nag-adjust, nag-revise ng script, nag-alaga at nagparamdam na hindi ako nag-iisa—kahit pagod at kulang sa tulog. Totoo talaga—hindi lang talento ang bumubuo ng isang proyekto, kundi malasakit at pagmamahalan sa isa’t isa.
“Maraming salamat din sa lahat ng sumusuporta sa Lolong—ramdam ko ang pagmamahal n’yo. Sa pamilya ko, kay Bianca (Umali) na laging nand’yan, at higit sa lahat, sa Ama na palaging nagbibigay ng lakas, gabay, at dahilan para bumangon,” saad ng aktor.
“Hindi hadlang ang injury ‘pag buo ang puso. Para sa sining. Para sa pangarap. Para sa mga taong naniniwala sa ‘kin. Laban lang!” pagtatapos ni Ruru.
Sa comment section, pinuri ni Rochelle Pangilinan ang dedikasyon ng aktor sa trabaho.
“Ibang klaseng dedikasyon (in live emoji),” ani Rochelle.
Matatandaang last week ay isinugod sa ospital si Ruru dahil sa hamstring injury na tinamo habang ginagawa ang eksena sa Lolong 2.
MATAPOS ang pagkamatay ni Supremo a.k.a. “Primo” sa Batang Quiapo (BQ), muling magsasama sina Senador Lito Lapid (LL) at Direk Coco Martin sa kampanya serye sa Cavite sa Huwebes, April 10.
Noon pa man ay sinasabi na ni Sen. LL na itinuturing na niyang anak si Coco dahil sa higit sampung taon silang magkasama sa mga teleserye at mga pelikula, kabilang na ang FPJ’s Ang Probinsyano (AP) at Apag.
Same with Coco dahil sinabi rin niya na para na rin niyang tatay si Sen. Lito, kaya naman all-out talaga ang kanyang support sa kandidatura nito.
Sey naman ni Sen. LL, ilan sa mga nagustuhan niya kay Coco ay ang pagiging mabait at matulungin nito.
Nauna nang nakiusap ang premyadong actor at direktor sa mga Batangueño na iboto si Senador Lito Lapid sa nalalapit na 2025 elections sa May 12.
Sa kanyang mensahe sa proclamation rally ng FPJ Panday Bayanihan Partylist sa Malvar, Batangas, hiniling ni Coco na iboto ng mga Batangueño si Lapid, ang Supremo sa BQ.
UMABOT ng P2.25 million ang kinita sa first showing day ng pelikulang Sinagtala na pinagbibidahan ng mga Kapuso stars na sina Rhian Ramos, Glaiza De Castro, Matt Lozano, at Rayver Cruz, kasama si Arci Muñoz.
Ang pelikula ay hindi lamang tungkol sa musika kundi pati na rin sa pagsasama-sama sa isang banda kung saan ang mga karakter ay may iba’t ibang laban sa buhay. Nais nitong maipamalas ang kakaibang inspirasyon ngayong nalalapit na Mahal na Araw.
Sey ng isang netizen na nakapanood ng pelikula, “A story that will leave you feeling inspired, motivated, and empowered.”
Tuluy-tuloy ang liwanag dahil palabas na sa mga sinehan ang pelikulang Sinagtala sa direksiyon ni Mike Sandejas.






Comments