top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Scottie, nag-sorry sa sumablay na free throw

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 1, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 1, 2023




Humingi ng paumanhin si Gilas Pilipinas Scottie Thompson sa mga kababayan na binigo niya matapos magmintis ang dalawang mahalagang free throw sa 90-91 na pagkatalo sa bisitang Jordan noong Lunes sa Philippine Arena ng Bocaue, Bulacan. Agad sumaklolo sa kanya si Coach Chot Reyes na nagpinta ng mas malawak na larawan sa pagwawakas ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Inihayag ni Coach Reyes na gagamitin ni Thompson ang karanasan upang maging mas mahusay na manlalaro. Ganyan din ang naging karanasan ng Gilas sa dalawang round ng qualifier na nagsimula noong Pebrero, 2022.

Nagtapos ang mga Pinoy na may kabuuang 6-4 panalo-talo at nilampasan ang sari-saring suliranin na pangunahin ay kung sino ang puwedeng maglaro o papayagan ng kanilang koponan. Kahit ito na ang huling qualifier, tiniyak ni Coach Reyes na hindi ito ang 12 na maglalaro sa World Cup at marami pang pagbabago ang maaaring mangyari.

Kahit ang nag-iisang puwesto para sa naturalized player ay hindi sigurado kung mapupunta ito kay Jordan Clarkson, Justin Brownlee o Ange Kouame.

Susunod para sa Gilas ang 32nd SEA Games Cambodia sa Mayo. Tatalakayin pa kung ano ang magiging kalendaryo ng paghahanda upang mabawi ang gold medal na napunta sa Indonesia noong 2022 sa Vietnam.

Ang huling paghahanda para sa World Cup ay maaayon sa resulta ng opisyal na bunutan sa Abril 29 sa Araneta Coliseum. Pasok na ang defending champion Espanya, Finland, Alemanya, Latvia, Italya, Slovenia, Lithuania, Pransiya, Gresya, Georgia, Montenegro at Serbia mula sa Europa, Australia, New Zealand, Lebanon, Jordan, Tsina at Iran mula sa Asya, Cote D’Ivoire, Timog Sudan, Ehipto, Angola at Cape Verde mula Aprika at Estados Unidos, Canada, Mexico, Puerto Rico, Dominican Republic, Venezuela at Brazil mula sa Amerika at mga punong abalang Pilipinas at Japan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page