Schroder at Poole, nagsibida sa L.A. Lakers at GS Warriors
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 22, 2023

Ginulantang ng Los Angeles Lakers ang bisitang Memphis Grizzlies, 122-121, at putulin ang 11 magkasunod nilang panalo sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Crypto.com Arena. Pinakita din ng World Champion Golden State Warriors ang lalim ng kanilang koponan at pumulot ng bihirang panalo kapag sila ang bisita kontra sa Cleveland Cavaliers, 120-114.
Nagsilbing bayani si Dennis Schroder na inagaw ang bola kay Desmond Bane para sa layup na may kasamang foul na may 7.6 segundong nalalabi. Ipinasok ni Schroder ang free throw, 122-120, at may pagkakataon ang Grizzlies subalit sinablay ni Brandon Clarke ang pangalawang free throw at bumalik ang bola sa Lakers na may 0.5 segundo sa orasan.
Nagtala si Schroder ng 19 puntos, pito sa fourth quarter. Nanguna sina Russell Westbrook na may 29 at LeBron James na may 23 puntos. Hindi naglaro sina Stephen Curry, Klay Thompson, Andrew Wiggins, Draymond Green at Andre Iguodala subalit lumabas na mas matimbang sa Cavs ang pagliban ni Donovan Mitchell. Nagawang umabot ng 94-74 ang lamang ng Warriors sa third quarter at kumapit upang ibitin ang huling banta ng Cleveland.
Tinakpan ang sabay-sabay na pagkawala ng mga superstar nina Jordan Poole na may 32 puntos at Ty Jerome na may 22 puntos. Pumantay ang kartada ng Golden State sa 23-23 sabay bumaba ang Cavs sa 28-19.
Nanatili sa Denver Nuggets ang solo liderato ng Western Conference sa bisa ng 134-111 tambakan sa Indiana Pacers. Halos hindi naramdaman ang pagliban ni MVP Nikola Jokic at umangat sina Aaron Gordon na may 28 puntos at Michael Porter Jr. na may 19 patungo sa kartadang 33-13.





Comments