School supplies, dapat sagutin ng LGUs, 'wag haluan ng pulitika
- BULGAR
- Jul 6, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | July 6, 2024

Isa sa mga pangunahing alalahanin ng mga magulang ay ang paghahanda ng mga gamit para sa kanilang mga anak sa tuwing sasapit ang pasukan.
Ang mga school supplies tulad ng notebook, lapis, ballpen, papel, at iba pa, ay nagiging dagdag na pasanin lalo na sa mga pamilyang kapos sa pinansyal na kapasidad.
Sa ganitong sitwasyon, kung sasagutin ng Local Government Units (LGUs) ang mga gamit pang-eskwela, ito ay naglalayong magbigay ng malaking ginhawa at suporta sa mga magulang at estudyante.
Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na kagamitan, mabibigyang-daan ang mas mabilis na pagkatuto.
Gayunman, may pagkakataon na ang pamimigay ng school supplies ay nahahaluan ng personal na interes ng ilang pulitiko.
Hindi lingid sa ating kaalaman na may ibang opisyal na sinasamantala ang pagkakataon para makapagpapogi.
Madalas, makikita natin ang kanilang mga pangalan at mukha na nakabalandra sa mga notebook, bag, at iba pang school supplies na ipinamamahagi ng LGUs.
Hindi lamang ito mali, ito ay isang malinaw na anyo ng pamumulitika na hindi nararapat sa isang serbisyong pampubliko.
Ang pondong ginagamit sa pagbili ng mga school supplies ay galing sa buwis na ibinabayad ng mga mamamayan. Ito ay pera ng bayan na dapat ginagamit nang wasto at walang halong personal na interes.
Ang paglalagay ng pangalan at larawan ng mga pulitiko sa mga gamit pang-eskwela ay isang insulto sa integridad ng serbisyo-publiko.



Comments