School bus, bumulusok sa bangin… Titser, patay at 46 iba pa sugatan sa Bataan
ni Lolet Abania | November 5, 2022

Isa ang patay habang mahigit sa 40 ang nasugatan, matapos na mahulog ang sinasakyan nilang school bus sa bayan ng Orani, Bataan ngayong Sabado.
Ito ang kinumpirma ni Bataan PNP provincial director Police Col. Rommell Velasco, kung saan isang babaeng guro ang nasawi, habang 46 iba pang pasahero ang sugatan, karamihan ay elementary school teachers sa Quezon City, nang bumulusok ang isang school bus na may 60 metrong lalim na bangin sa bahagi ng Vicinal Road, Sitio Butatero, Barangay Tala, bandang alas-11:40 ng umaga.
Batay sa report ni Orani PNP Chief Police Maj. Larry Valencia kay Velasco, nagtamo ng mga minor injuries ang marami sa mga biktima.
Ayon sa pulisya, ang school bus ay DepEd service na minamaneho ni Marcelino Oliva, 62-anyos at residente ng San Jose Del Monte, Bulacan.
Galing sa isang farm resort ang mga titser at pauwi na sana ang mga ito, habang convoy naman ang dalawa pang school bus nang mahulog sa bangin ang sinasakyan ng mga biktima mula sa matarik na bahagi ng naturang lugar dahil nagkaroon umano ng brake malfunction ang school bus.
Ayon pa kay Velasco, ang mga guro ay mula sa Payatas Elementary School sa Quezon City.
Agad ding rumesponde ang iba’t ibang rescue groups mula sa Bataan kabilang na rito ang Metro Bataan Development Authority, Orani town emergency, Bataan react team, at mga opisyal ng barangay.
Marami sa mga sugatan ay dinala sa Orani Emergency Hospital.
Patuloy naman ang rescue operation ng mga awtoridad matapos ang insidente.





Comments