School bilang evacuation centers
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 25, 2022
Dear Chief Acosta,
Madalas ginagawang evacuation center ang aming silid-aralan kapag may malakas na bagyo. Kaya, nais kong malaman kung ito ay naaayon sa batas at kung hanggang kailan ito pinapayagang gamitin para sa nasabing layunin. - Maybel
Dear Maybel,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 5 ng Republic Act No. 10821 o mas kilala sa tawag na “Children’s Emergency Relief and Protection Act,” kung saan nakasaad ang mga panuntunan sa paggamit ng silid-aralan bilang evacuation center:
“Sec. 5. Evacuation Centers. – Only in cases where there is no other available place or structure which can be used as a general evacuation center may a school or child development center be used as an evacuation center.
When a school or child development center is used as an evacuation center, gymnasiums, learning and activity centers, auditoriums and other open spaces shall be utilized first. Classrooms shall only be used as a last resort. The use of the school premises shall be as brief as possible. xxx” (Binigyang-diin)
Kaugnay nito, nakasaad naman sa Item 7 ng “Guidelines on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Schools in the Event of Disasters and Other Natural Calamities,” na nakapaloob sa Department of Education (DepEd) Order No. 037, S. 2022, ang mga sumusunod:
“7. Use of schools as Evacuation Center or COVID-19 Quarantine and/or Isolation Facility/Vaccination Center. xxx
In cases of other disasters, schools may be used as an immediate evacuation site which should not last for more than fifteen days. LGUs should not use schools as long-term shelters for evacuees.” (Binigyang-diin)
Ayon sa nasabing batas, ang mga eskwelahan ay maaaring gamitin bilang evacuation center, ngunit sa sitwasyon lamang na wala ng iba pang magagamit na lugar o imprastruktura bilang pangkalahatang evacuation center. Gayunman, ang gymnasium, learning and activity center, auditorium at iba pang open spaces ng eskwelahan ang unang dapat gamitin bilang evacuation center. Ang mga silid-aralan ay maaari ring gamitin bilang evacuation center kung iyon na lamang ang huling paraan. Dagdag pa ng nabanggit na DepEd Order, ang paggamit ng eskwelahan bilang evacuation center ay hindi dapat tumagal ng higit sa 15-araw.
Ipinapakita ng mga ito ang halaga na ibinibigay ng ating gobyerno sa edukasyon ng ating mga kabataan at ang patuloy na probisyon nito kahit pa sa gitna ng kalamidad at sakuna. Pinapayagan lamang itong maputol o mahinto kung sakaling wala nang ibang paraan at sa pinakamaikling panahon lamang.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments