top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Scammers, tiba-tiba sa ‘Pinas

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 27, 2023
2 min read

@Editorial | November 27, 2023


Nabudol ka na ba?


May iba’t ibang uri ng scam, nar’yan ang identity theft, investment scam, government o bank scam, job scam, lottery scam, family relatives’ scam, bill payment scam, charity scam at marami pang iba.


Ang sinasabing pinakatalamak sa ngayon ay ang online shopping scam, kung saan ang Pilipinas ay pasok sa may pinakamataas na online shopping scams buong Asya.


Batay sa survey ng 2023 Asia Scam Report na isinagawa ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center, umabot sa 35.9% ang shopping scam rate sa ating bansa.


Ang 2023 Asia Scam Report na inilabas ng 1st Anti-Scam Asia Summit ng Taipei, ay base sa 20,000 respondents mula sa China, Hong Kong, Indonesia, Japan, Malaysia, Pilipinas, Singapore, South Korea, Taiwan, Thailand at Vietnam.


Kaugnay nito, pinayuhan ng mga eksperto ang internet users sa ‘Pinas na pag-ibayuhin pa ang pag-iwas sa mga online scam.


Lalo na ngayong bigayan na ng bonus at 13th month pay, tiyaking hindi mawala na parang bula ang perang hinintay nang isang taon.


Kung mamimili, siguruhing sa verified o legit na online store.


Ang mahirap daw kasi sa mga Pinoy ay agad tumutugon sa demands ng scammers; pinipili ang makipagsapalaran kahit na may duda at nahihikayat sa insentibo na iniaalok.


Kumbaga, sinasamantala ng mga scammer ang mga katangiang ito kaya nakakapambiktima.


Pairalin sana natin ang pagiging wais katulad ng paraan natin sa pamimili sa palengke, department store o kung saanmang pamilihan.


Kung sa personal nga ay nagiging sobrang mapili at mautak tayo para ‘di maloko, dapat mas grabeng ingat at maging segurista ‘pag sa online, kung saan hindi pa natin nahahawakan ang produkto.


Huwag nating hayaan na matulad sa mga biktima na ang inorder ay cellphone, pero ang dumating, bato!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page