top of page
BULGARY - JULIA, ‘DI TOTOONG BUNTIS, BALIK-SERYE-IG _montesjulia08.jpg

Scammers, namamayagpag pa rin kahit may SIM registration na, ‘anyare?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 27, 2023
  • 2 min read

@Editorial | August 27, 2023


Nakakatanggap ka pa rin ba ng spam text messages at may calls pa?

Sa kabila ng ipinatutupad na SIM card registration law, nakakalusot pa rin ang mga scammer, ‘anyare?

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang nasabing batas sa pangakong matutugunan nito ang text scams, spams, at iba pang ilegal na gawain.

Kaya sang-ayon tayo sa hirit na imbestigahan kung bakit patuloy pa rin ang mga ganitong panloloko.

Una nang sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na pinalitan na ng mga kriminal ang kanilang mga modus para makapambiktima pa rin sa kabila ng SIM card registration. Isa na raw dito ang pagtatayo ng fake SIM registration sites.


Nakababahala na talagang iba ang diskarte ng mga scammer. Kung lahat ng batas ay kaya nilang butasin ano pa ang magagawa ng gobyerno?

Habang maaga at bago pa lumala ang sitwasyon, tukuyin na sana ng kinauukulan kung nasaan ang problema.

Dapat ding magpaliwanag ang implementing agencies, telecommunication companies at law enforcement agencies kung paano nairehistro ang libu-libong SIM na ginamit sa ilegal na operasyon ng POGO.

Kailangang magsumite ang National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at iba pang may kinalamang ahensya ng ulat o update sa implementasyon ng naturang batas.


Hindi puwedeng natapos lang sa pagsasabatas ang lahat, ito ay dapat na sinusubaybayan habang ipinatutupad. Kailangang makita kung ito ba ay epektibo o kung may kakulangan para magawan ng paraan.


Batid natin kung paano pinalagan ng iba ang SIM registration dahil duda sila sa kakayahan nitong mapigilan ang mga ilegal na gawain at sinasabing may banta pa sa seguridad o privacy ng publiko, pero nakalusot pa rin ang batas. Kaya marapat lamang na patunayan ng mga nag-apruba na ito ay tamang pasya at hindi dagdag-problema.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page