Scammer nakakalusot pa rin.. SIM registration, wa' 'wenta
- BULGAR

- May 26, 2023
- 1 min read
ni BRT | May 26, 2023

Tila wala umanong kuwenta ang SIM registration dahil sa patuloy na nakakalusot pa rin ang mga scammer.
Nagagawa ang pamemeke ng SIM registration at paggawa ng pekeng e-wallet.
Kaugnay nito, apat katao kabilang ang isang estudyante ang inaresto ng National Bureau of Investigation dahil sa umano'y pamemeke ng SIM registration at paggawa ng mga pekeng GCash account.
Isang senior high school student ang nahuli ng NBI Cybercrime Division sa isang entrapment operation.
Na-monitor ng NBI ang pagbenta umano nito ng mga pekeng GCash account.
Ayon sa suspek na estudyante, nagawan niya ng paraan na gumamit ng mga pekeng ID at picture ng ibang tao para makagawa ng mga GCash account - isang paraang natutunan umano niya sa isang group sa social media.
Sa hiwalay na operasyon, naaresto ang 2 lalaki dahil sa pagbili ng mga GCash account, na kanila umanong binebenta sa isang buyer.
Hinuli rin ng mga awtoridad ang isang babae na kasabwat sa paggawa ng mga pekeng GCash account gamit ang mga SIM card na pineke rin ang pag-register.
Naalarma naman ang NBI kung paano nakakalusot ang lantarang pamemeke ng mga suspek.
"We were able to find out in the SIM registration, they were using a pseudo or fake IDs. Ginagamit din to register the SIM, picture ng aso or pusa," ani Jeremy Lotoc ng NBI Cybercrime Division.
Sa mga kasong natatanggap ng NBI, nagagamit ang mga pekeng e-wallet account sa mga scam.
Inirekomenda naman ng NBI sa mga e-wallet company na higpitan ang kanilang security features. Makikipag-ugnayan din umano sila sa ibang ahensya kung paano matitiyak na hindi nadadaya ang SIM registration.








Comments