SC, umaksyon na sa Maharlika Fund bago maglahong parang bula ang P75B
- BULGAR
- Oct 20, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 20, 2023
PINUTAKTI NA NAMAN NG BATIKOS SI P-BBM KASI AKALA NG TAUMBAYAN STOP NA ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND, TULOY PA PALA -- Nilinaw ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na suspensyon lang daw sa implementasyon ng Maharlika Investment Fund (MIF) ang kanyang utos at bago raw matapos ang taon na ito ay uusad o mag-o-operate na ito.
Dahil sa sinabing ‘yan ni P-BBM ay pinutakti na naman siya ng batikos ng publiko dahil akala ng taumbayan, stop na ang Maharlika Investment Fund, eh tuloy pa rin pala ang plano ng Marcos administration na isugal sa investment ang pera ng mamamayan, ang kaban ng bayan, tsk!
◘◘◘
BAGO MAGLAHO ANG P50B NG LBP AT P25B NG DBP, DAPAT IDEKLARA NA AGAD NG SC NA UNCONSTITUTIONAL ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND --Dapat ideklara na agad ng Supreme Court (SC) na unconstitutional ang Maharlika Investment Fund para maibalik na sa Land Bank of the Philippines (LBP) ang P50 billion at sa Development Bank of the Philippines (DBP) ang P25 billion na ini-remit ng dalawang gov’t. banks na ito sa Maharlika Investment Corporation na mamamahala sa gov’t. investment fund na ito.
Huwag na sanang pagtagalin pa ng SC ang pagdesisyon na unconstitutional ito, kasi kung magtatagal pa ay baka “maglahong parang bula” ang P50B ng LBP at P25B ng DBP na nasa kontrol ngayon ng Maharlika Investment Corporation, period!
◘◘◘
AYAW KASING MAKINIG SA ATE IMEE NIYA, KAYA NASOPLA TULOY NG BARMM OFFICIALS SI P-BBM -- Inanunsyo ni P-BBM na ang Pilipinas ay kampi sa Israel, pero sinopla siya ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nagpahayag na ang BARMM daw ay kampi sa Palestine.
Kung sinunod sana ni P-BBM ang panawagan ng kanyang ate na si Sen. Imee Marcos na huwag magbigay ng komento patungkol sa giyera ng Israel at Palestine-Hamas Islamist Group, hindi sana nasopla ng BARMM official ang Presidente ng ‘Pinas, boom!
◘◘◘
OIL PILFERAGE SYNDICATE SA BATANGAS, PARAMI NANG PARAMI -- Parami nang parami ang mga sindikato ng “oil pilferage syndicate” o “Paihi Gang” na nag-o-operate sa Batangas.
May “Paihi Gang” si alyas “Rico” sa Bgy. Balagtas, Batangas City, may “Paihi Gang” si alyas “Dondon” sa Bgy. Calansayan, San Jose at may “Paihi Gang” din si alyas “Jayvee” sa Bgy. Poblacion 5, Calaca, pawang sa Batangas.
Napakadelikado ang raket ng mga ito na pagnanakaw ng krudo sa mga oil tanker, kasi sa isang pagkakamali, puwedeng sumabog ang mga oil tanker na magdudulot ng trahedya sa mga lugar na ito, kaya’t sana umaksyon agad si Batangas PNP Director, Col. Samson Belmonte para dakpin ang mga miyembro ng “Paihi Gang” sa kanyang jurisdiction, period!





Comments