Satellite ni VP Sara, dagdag-gastos lang
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 5, 2022
KAPAG ANG DSWD NI SEC. TULFO AT ANGAT-BUHAY NI LENI ANG NAGSANIB-PWERSA, MAMAMAYAN ANG MAKIKINABANG—Handa si DSWD Sec. Erwin Tulfo na makipagtulungan sa Angat-Buhay ni Leni Robredo.
Wow, ayos 'yan kasi kapag nagtulungan ang DSWD ni Sec. Tulfo at Angat-Buhay ni Leni, tiyak na mas maraming kapuspalad nating mga kababayan ang matutulungan, palakpakan naman diyan!
◘◘◘
PAGLILINIS NI SEC. TULFO SA 4PS LISTS, DAPAT NOON PA GINAWA NG MGA FORMER DSWD SECRETARIES—Isa sa mga tutukan ng pansin ni Sec. Tulfo ay ang paglilinis sa talaan ng mga nakatatanggap ng benepisyo mula sa 4Ps na ipinagkakaloob sa mahihirap nating kababayan.
'Yan ang dapat ginawa noon pa man ng mga naging kalihim ng DSWD kasi sa totoo lang ay may mga nakatatanggap ng benepisyo mula sa 4Ps na nakatira sa mga subdibisyon.
Sa gagawing aksyon ni Sec. Tulfo, makatitiyak na ang mamamayan na tanging mahihirap nating kababayan na lang ang makatatanggap ng tulong mula sa DSWD at mabubura na sa talaan ang mga nakatira sa mga subdibisyon na nakikinabang sa 4Ps ng gobyerno, period!
◘◘◘
DAGDAG-GASTOS SA PAMAHALAAN ANG MGA SATELLITE OFFICE NG OVP NI SARA—Dagdag-gastos sa pamahalaan ang pasya ni Vice-President, DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio na maglagay ng mga satellite office ng OVP (Office of the Vice President) sa iba't ibang panig ng bansa para makapagbigay-tulong sa mga kababayang nangangailangan.
Sa dami ng ilalagay ni VP Sara na satellite office, tiyak na marami siyang tauhang itatalaga sa mga opisinang 'yan na susuwelduhan ng taumbayan, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
MAS MAGALING ANG DISKARTE NI LENI SA OVP NOON KAYSA SA OVP NI SARA NGAYON—Sa panahon ni former VP Leni Robredo, isa lang ang tanggapan niya at 'yan ay nasa Quezon City, pero kapag may pangangailangang tulong ang ating mga kababayan, lalo na sa panahon ng kalamidad ay simbilis ng kidlat na nakararating ang tulong ng OVP ni Leni, at kadalasan ay siya pa mismo ang nagpupunta para magbigay ng tulong.
Pero si VP Sara, gusto pang madagdagan ang gastos ng pamahalaan sa paglalagay ng mga satellite office para raw mabilis ang tugon ng OVP sa mga nanghihingi ng tulong.
Diyan lang, kitang-kita na mas magaling ang diskarte ng OVP ni Leni noon, kaysa sa OVP ni Sara ngayon, period!





Comments