Sarno, pambato ng w’lifting sa SEAG, ASIAD at Olympics

ni Gerard Arce @Sports | February 24, 2023

Nagsisimula ng maging pangunahing pambato ng Pilipinas sa larangan ng weightlifting ang 2021 Vietnam Games at 2020 Asian Championship titlist Vanessa Sarno sa mga darating na major international competitions na kinabibilangan ng Southeast Asian Games, Asian Games at Summer Olympic Games, matapos magpahayag si 2020+1 Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo na hindi ito sasabak sa Cambodia at Hangzhou Games ngayong taon bilang preparasyon sa 2024 Paris Olympics.
Ibinulgar ni Samahan ng Weightlifting ng Pilipinas Inc. President Monico Puentevella na nagsimula na silang humanap ng ibang pamamaraan at panibagong aasahang mga weightlifters na magbibigay ng medalya at hahalili sa puwestong iiwan ni Diaz-Naranjo sa parehong Cambodia Games simula Mayo 5-17 at quadrennial Asian meet sa Hangzhou, China na nakatakda naman sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8 ngayong taon.
Bukod kay Sarno, na lumikha ng National at SEA Games record, sasandalan rin ng Pinas sa SEAG at Asian Games sina Tokyo Olympian Elreen Ando sa women’s 59kgs category, kung saan isa sa magiging mahigpit na katunggali ni Diaz-Naranjo sa pagsungkit ng pwesto sa Olympiad, 2019 Manila meet champion Kristel Macrohon, Asian Youth and Junior Weightlifting Championships gold medalists Rosalinda Fautino (women’s 49kgs) at Rosegie Ramos (women’s -45kgs category), na parehong tiga-Zamboanga City.
“We will rely heavily on Vanessa, malaking pag-asang mag-gold si Elreen, si Macrohon lalaban din yan, Rosegie, tapos may mga lalaki kaming kayang sandalan, so, may pag-asang mapareho namin yung dalawa o tatlong gold dito sa Cambodia ang importante kahit wala si Hidilyn,” pahayag ni Puentevella na nais mahigitan ang 2 golds at tig-isang silver at bronze sa Hanoi meet. “Talagang iniisip ko na noon pa na one day Hidilyn will retire, mag-aasawa at magpamilya siya, kaya kailangan may successor siya,”





Comments