Sarno, naka-3 gold sa IWF Online Youth Tourney
- BULGAR

- Nov 18, 2020
- 2 min read
ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 18, 2020

Hindi tumiklop sa maigting na kompetisyon ang Pinay lifter na si Vanessa Sarno upang walisin ang tatlong gintong medalya sa kanyang grupong 71 kgs ng pinakaunang International Weightlifting Federation (IWF) Online Youth World Cup.
Itinulak din ni Sarno ang Pilipinas (4-3-1 gold-silver-bronze medal tally) paakyat sa top 5 na mga bansa sa kompetisyong isinasaayos ng Peru Weightlifting dahil sa kanyang tatlong gold medals na napanalunan sa Snatch, Clean & Jerk at Total.
Maagang naselyuhan ni Sarno, 17-taong-gulang na pambato ng bansa mula sa lalawigan ng Bohol, ang ginto sa snatch dahil sa pangalawang buhat pa lang niya ay may rekord na siyang 91 kgs pagkatapos ng pambungad na 87 kgs. Sa huling buhat ay itinaas pa niya ito sa 93 kgs. Kay Uzbek Nigora Suvonova napunta ang pilak (91 kgs) samantalang kay Nancy Genzel Abouke (90 kgs.) ipinagkaloob ang tanso.
Gitgitan ang labanan ng Pinay at ng kinatawan ng Uzbekistan sa Clean & Jerk. Kinailangan pang matapos ang huling attempts nina Sarno at Suvonova bago nagkaalaman kung sino ang kampeon. Sa dakong huli, si Sarno (118 kgs) pa rin ang nanguna habang sumegunda lang si Suvonova (117 kgs).
Nang pagsamahin ang mga rekord, kay Sarno (211 kgs) isinabit ang huling ginto, kay Suvonova (208 kgs) napunta ang pilak at nakuntento uli si Abouke (200 kgs) sa tansong medalya. Magandang pagsundot ito sa dalawang gold at isang silver medals na nakulekta ng dalagitang Pinay noong huling edisyon ng Asian Junior at Youth Championship sa Pyongyang, North Korea.
Dalawang kakampi ni Sarno ay nauna nang nag-ambag sa kaban ng bansa sa paligsahan. Ito’y sina Rosegie Ramos at Rose Jean Ramos. Ang una ay nagwagi ng dalawang silver at isang bronze sa grupo ng 55 kgs. habang ang huli ay nagmarka sa pangkat ng mga kalahok na may timbang na 45 kgs sa pamamagitan ng kanyang isang gintong at isang pilak na mga medalya.








Comments