ni Anthony E. Servinio @Sports | August 10, 2024
Tatlong akyat sa entablado lang ang itinagal ng pinakaunang sabak ni Vanessa Sarno sa Paris 2024 Weightlifting Sabado ng umaga sa Paris South Arena #6. Namarkahan ang 20-anyos na baguhan na hindi nakapagtapos bunga ng bigo niya mabuhat ang pambungad na 100 kilo sa Snatch ng Women’s 71-kilogram Category.
Sa tatlong subok, nabuhat niya ang barbell lampas ng kanyang ulo subalit binitawan niya agad ito bago siya nakatayo. Dahil wala siyang nabuong buhat ay hindi na siya pinatuloy sa Clean and Jerk at naging ika-12 at huli sa kompetisyon.
Ito ang unang pagkakataon na may timbang na Women’s 71 kaya nagtakda ng Olympic Standard para kilalanin bilang bagong Olympic Record. Tanging ang nagwagi ng ginto Olivia Reeves ng Estados Unidos ang bumuhat ng 117 kilo sa Snatch para higitan ang itinakdang 115 para maging unang may-hawak ng Olympic Record.
Hindi naabot ng Amerikana ang 148 para sa Clean and Jerk at 265 para sa Total at 145 lang ang nakuha niya para sa kabuuang 260. Pilak si Mari Leivis Sanchez ng Colombia sa 257 at tanso si Angie Paola Palacios ng Ecuador sa 256.
Ang iba pang nagtapos ay sina Siuzanna Valodzka ng Neutral Athletes (246), Marie Fegue ng Pransiya (243), Chen Wen Huei ng Chinese-Taipei 236, Joy Ogbonne Eze ng Nigeria (232), Amanda Da Costa Schott ng Brazil (229), Neama Said ng Ehipto (222) at Jacqueline Nichele ng Australia (209). Kasama ni Sarno sa mga hindi nagtapos si Loredana Elena Toma ng Romania na walang nabuhat sa Clean and Jerk matapos ang 115 sa Snatch.
Kahit bigo ay nanatiling positibo si Sarno at nagpasalamat na nakaabot siya sa Olympics. Alam niya na dadating muli ang pagkakataon sa Los Angeles 2028 at pati rin sa Brisbane 2032.
Inabot ang alamat na si Hidilyn Diaz ng dalawang Olympics noong Beijing 2008 at London 2012 bago nakamit ang pilak noong Rio 2016. Iyan ang naglatag ng daan para sa makasaysayang ginto sa Tokyo 2020.
Bình luận