Sari-sari stores na apektado sa price cap sa bigas, bigyan ng ayuda
@Editorial | September 13, 2023
Ikinukonsidera na ng gobyerno na bigyan na rin ng ayuda ang may-ari ng sari-sari stores sa bansa.
Kaugnay pa rin ito sa pagtatakda ng price cap sa bigas base sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Layon ng plano na matulungan din ang maliliit na sari-sari stores sa pagkalugi dahil sa price cap sa bigas.
May ginagawa na umanong pag-aaral ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagbibigay ng Sustainable Livelihood Program-Cash Assistance.
Una nang umarangkada ang pamimigay ng P15,000 cash ayuda sa mga apektadong rice retailers.
Sa ngayon, target ng DTI na makapagsumite ng mas maraming listahan ng mga benepisyaryo para mabigyan ng ayuda ang mga may-ari ng sari-sari store sa buong bansa.
Sang-ayon tayo sa planong ito dahil nang ipag-utos ang price cap sa bigas, bukod sa mga retailer, problemado rin ang mga may sari-sari stores. Paano nga naman nila mababawi ang puhunan o paano hindi malulugi sa pagbawas-presyong gagawin.
Bagama't may ilang ulat na karamihan umano sa sari-sari store ay hindi sumusunod sa price cap at iginiit na hindi sila kagaya ng retailers sa malalaking palengke na may higit na kakayahan na magsakripisyo. Kaya mainam din siguro na salain munang maigi ng kinauukulan ang mabibigyan ng ayuda. Mapunta dapat ang tulong sa mga karapat-dapat na tumanggap.



Comments