Sapat na paghahanda sa 14 pang bagyo at pagbaha
- BULGAR
- Aug 9, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 9, 2023
Ngayong araw na ito ay nakatakdang humarap na sa Senado ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos nating ipatawag dahil sa hindi maresolbang problema sa pagbaha.
Nagbigay ng kumpirmasyon sina DPWH Secretary Manuel M. Bonoan at MMDA Chairperson Romando S. Artes na hindi naman basta-basta igigisa lang kung hindi aalamin natin kung ano na ang nangyari sa inilaang daang milyong pisong pondo para sa flood control program.
Bilang chairman ng Senate Committee on Public Works ay hindi na natin mapalampas ang insidente ng kabi-kabilang mga pagbaha na paulit-ulit na nangyayari lalo na nitong mga nagdaang Bagyong Egay, Falcon at habagat.
Kailangan kasi nating kumilos ngayon pa lang dahil ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), karaniwang may 20 bagyong dumarating sa Pilipinas taun-taon, lalo pa at nararamdaman na rin ang epekto ng climate change na posibleng magpalala sa sitwasyon.
Ang Bagyong Egay ay pang-anim na bagyo pa lamang na pumasok sa bansa kaya malaki ang posibilidad na makararanas pa tayo ng 14 na bagyo hanggang katapusan ng taon, at kung walang paghahanda ang DPWH at MMDA ay kaawa-awa ang ating mga kababayan.
Sa pagtatayang 14 pang bagyo na paparating sa bansa, panalangin natin na sana ay walang grabeng makapaminsala, ngunit nananatiling dasal lamang ang lahat dahil hindi pa natin ito masiguro sa ngayon.
Ito ang dahilan kung bakit ilang araw na akong hindi mapakali simula nang mangyari itong pinakahuli nating karanasan sa Bagyong Egay at habagat na talagang lumubog ang napakaraming lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang Super Typhoon Egay nang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay nanalasa sa bansang China, at ayon sa mga Chinese, ang bagyong ito ang pinakamalakas na kanilang naranasan sa nakalipas na 140 taon ngunit mas marami ang naitalang nasawi sa ating bansa kumpara sa kanila.
Isa ito sa mga halimbawa na kahit kailan ay hindi talaga natin kayang madetermina ang lakas ng bagyo hanggang hindi pa ito nakarating sa bansa. At sa ipinakitang paghahanda ng DPWH at MMDA ay kitang-kita ang pagkukulang.
Kung tutuusin, napakalaki ng isinasagawang paghahanda ng pamahalaan hinggil sa mga kalamidad na tulad nito dahil nakatuon din tayo sa malawakan at matagalang gutom, pagkawasak ng mga ari-arian at kawalan ng hanapbuhay.
Kabilang din sa pinaghahandaan ang posibleng malawakang blackout, maging ang pagkakasakit hanggang sa bilang ng mga nasasawi ay may mga nakatalagang ahensya na naghahanda maliban sa pagbabaha na buong-buong ipinagkatiwala sa DPWH at MMDA.
Kitang-kita naman natin kung paano tumugon ang pamahalaan, mula sa paglikas ng mga apektado, maging sa pagbibigay ng ayuda ay hindi tayo kinulang -- kabilang na ang pagkain, inuming tubig at gamot.
Ngunit, muli nating babalikan ang dahilan kung bakit humantong tayo sa ganito kagrabeng sitwasyon. Ito ay dahil sa paglala ng mga pagbaha na kitang-kitang wala talagang paghahandang ginawa o kung meron man ay hindi na sapat.
Kaya ngayon, heto at bibigyan natin ng pagkakataon ang DPWH at MMDA na magbigay ng paliwanag kung bakit naganap ang hindi natin inaasahang pagbaha sa napakaraming lugar na ang iba ay nakalubog pa rin hanggang ngayon.
Wala kasi tayong unified and comprehensive flood control masterplan para sa buong bansa at palaging nakasentro lamang sa Metro Manila kaya palaging iwan ang mga lalawigan kung responde o pagtugon sa problema sa baha ang pag-uusapan gaya ng nangyari sa Bulacan.
Bago pa dumating ang araw na ito ay nagsimula na tayong magsagawa ng mga inspeksyon sa maraming lugar na labis na naapektuhan ng pagbaha at ilan sa ating mga kababayan ay ating nakapanayam.
Ito ay upang hindi mabilog ng DPWH at MMDA ang ating ulo dahil tiyak na puro paliwanag na lamang ang ating aabutin at malamang, malaki na ang naubos sa pondo para sa flood control program pero mas lumala pa ang sitwasyon.
Nakalulungkot ang buong pangyayaring ito, sana lang ay may plano, epektibo at kapani-paniwalang inihanda ang DPWH at MMDA para tugunan ang problema sa pagbaha para kahit paano ay magkaroon tayo ng panibagong pag-asa.
Pero kung ang sasabihin nila ay ‘yung mga dati rin nilang sinasabi na hindi naman nagdudulot ng positibong resulta, mabuting humanap na tayo ng ibang may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin.
Kaya kapit-kamay tayo na sana ay may positibong kahinatnan ang isasagawa nating pagpapatawag sa pamunuan ng DPWH at MMDA ngayong araw na ito.
Sawa na kasi ang taumbayan sa puro ‘kuwento pero walang kwenta’.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments