top of page

Santambak ang lisensyadong nurse na walang trabaho

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 14, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 14, 2023



Umingay ang ginawang anunsiyo ng bagong pamunuan ng Department of Health (DOH) na ikukonsidera umano ang mga bagong graduate na nurse at hindi pa pasado sa Board exam para makapagtrabaho sa mga ospital ng gobyerno.

Tahasang sinabi ni DOH Secretary Teddy Herbosa na kasama sa plano nito na madagdagan ang health workers sa bansa sa pamamagitan ng mga bagong nursing graduate kahit wala pang lisensya basta’t may diploma ay ayos na at nagtapos sa kahit anong accredited nursing schools.

Kung maisasakatuparan ito nang ayon sa mismong plano ng DOH ay posibleng umani ito ng positibong resulta dahil nakapanghihinayang nga naman na mapunta sa ibang industriya ang mga nursing graduate at karamihan ay hindi na nagpupursigeng pumasa dahil nagustuhan na ang trabahong pinasukan.

Ayon sa datos na inilabas ng DOH, mayroon umanong 4,800 na bakanteng posisyon para sa iba’t ibang pampublikong pagamutan sa bansa na kailangang-kailangang mapunan at isa umano ang pagkuha sa mga hindi pa pasadong nursing graduate ang nakikitang solusyon.

May punto rin na dapat pang palakasin ang ating mga health worker sa bansa dahil karamihan lalo ‘yung mga hindi talaga nakakapasa sa Board exam ay napupunta sa business process outsourcing (BPO) industry o napipilitang magtrabaho bilang caregiver sa ibang bansa.

Sabagay, wala naman talaga tayong magagawa para pigilan ang ating mga nurse na mangibang-bansa dahil sa kaway ng napakagandang oportunidad na hindi kayang pantayan ng ating pamahalaan.

Maraming nurse na hindi nagkaroon ng pagkakataong mangibang-bansa at sa pampublikong pagamutan na tumanda na hindi naman natin masasabing mahirap na mahirap ngunit nasa sitwasyon pa rin sila ng palaging naghahabol sa sitwasyon dahil sa kakarampot na suweldo.

Kumpara sa mga nurse abroad na halos wala pang 10 taon sa pagtatrabaho ay naglalakihan na ang mga bahay, may mga paupahang condominium unit, luxury cars at nasa magagarang unibersidad nag-aaral ang mga anak.

Tiyak namang alam ito ng bagong pamunuan ng DOH at makabubuting bigyan natin sila ng pagkakataon para isagawa ang kanilang hakbangin dahil ito talaga ang kulang na kulang — ang epektibong solusyon upang mapunan ang kakulangan ng nurse sa bansa.

Maganda ang balakin ng DOH dahil sa bibigyan umano ng P35,000 hanggang P40,000 sahod ang mga nursing graduate na papayag magtrabaho upang kahit paano ay makaraos umano sa kahirapan at makatulong sa kanilang pamilya.

Huwag agad nating kuwestiyunin ang kakayahan ng DOH kung paano ito isasagawa dahil hindi naman siguro nila ito iaanunsiyo nang wala man lamang pag-aaral at kailangan nila sa puntong ito ay pagkakataon para patunayang magagawa nila ang kanilang sinasabi.

Sabagay, sa mga naglalakihang ospital sa bansa ay ganito na kalaki ang suweldo, may mga nagtitiyaga ngunit may nagpaplano pa ring iwan ang sitwasyon dahil karamihan ay naglalakad na ng dokumento, ang iba ay nakapag-apply na at may naghihintay na lamang ng pag-alis patungong ibang bansa.

Marami rin tayong kababayan na halos ilang taon nang pasado sa Board exam -- kumbaga registered nurse (RN) na ngunit ayaw nilang magtrabaho sa mga ospital sa bansa dahil sa inaabot lamang ng P10,000 hanggang P12,000 ang ipinagkakaloob na suweldo.

Karamihan sa mga kumuha ng kursong B.S. nursing ay maykaya sa buhay kaya alam nilang kulang pa sa kanilang pang-araw-araw na gastos ang iniaalok na suweldo ng ilang ospital at ang iba ay kaya lamang nagtitiyaga dahil sa kailangan nila ng dokumentadong karanasan.

Grabe rin ang dinaranas ng ilang mga bagong registered nurse dahil may ilang pagamutan na sila pa ang nagbabayad para makapag-practice at dahil sa mga pahirap na ito ay naoobliga na silang maghanap na lamang ng ibang pagkakakitaan.

Maraming nursing graduate ang nakapasa na sa Board exam, pasado na sa National Council Licensure Examination (for) Registered Nurses (NCLEX-RN) — isa itong computer adaptive test na kailangan para makakuha ng lisensya sa United States at Canada, at pasado na rin sa International English Language Testing System (IELTS) ngunit hindi makaalis dahil walang karanasan sa ospital.

Ang lahat ng mahuhusay na registered nurses na ‘yan ay nagsisiksikan sa mga corporate offices dahil nais nilang mabuhay nang disente at dito na lamang nila hinahanap ang kapalaran para maitaguyod nila ang iba pa nilang kapatid na kasalukuyan ding nag-aaral.

Sa totoo lang, bilangin n'yo ang taun-taong nagtatapos ng kursong B.S. nursing na hanggang ngayon ay walang trabaho dahil sa sobrang hirap makapasok sa mga ospital, kung makakapasok man ay abonado pa sa pang-araw-araw na gastusin.

Marami ang nagtitiis lang magtrabaho sa mga ospital dahil nais na makakuha ng dokumentadong karanasan, ngunit kapag kumpleto na ay agad magre-resign para magtrabaho abroad.

Santambak ang registered nurse sa bansa, sana isama rin sa plano ng DOH na kalingain ang mga ito kasama ng mga hindi pa nakakapasa sa Board exam. Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page