top of page

Sandbags sa nasirang pader bumigay... Ilang lugar sa Navotas, muling binaha

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 30
  • 1 min read

ni Maeng Santos @News | June 30, 2025



Nagpadala ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon ng mga rescue boat sa pamamagitan ng City DRRMO para tumulong sa paglikas sa mga apektadong pamilya nang muling tumaas ang tubig-baha na dala ng high tide makaraang bumigay nitong Sabado ng umaga ang inilagay na mga sandbag sa nasirang pader Celeste St., Brgy. San Jose, Navotas City.

Muling binaha ang ilang lugar sa Navotas City nang bumigay nitong Linggo ng umaga ang mga inilagay na sandbag sa nasirang riverwall sa Celeste St., Brgy. San Jose noong Sabado ng bago magtanghali.


Kaya, muling iniutos ni Mayor John Rey Tiangco ang pagpapalikas sa mga pamilyang labis na maaapektuhan ng paglalim ng tubig baha na dala ng high tide ala-1:07 Linggo ng hapon.


Sabado ng hapon nang magsagawa ng rescue operations ang Navotas Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), katuwang ang BFP-Navotas, PNP-Navotas, fire volunteers, SCAN International, at mga boy scouts sa mga apektadong pamilya sa ilang lugar sa lungsod, partikular sa Brgy. San Jose matapos umabot ng hanggang leeg ang lalim ng baha bunga ng pagkasira ang dike pasado alas-11 ng umaga.


May 22 pamilyang inilikas ang pansamantalang nanuluyan sa Navotas Elementary School 1 habang walong pamilya ang dinala sa barangay hall kung saan sila binigyan ng pagkain, kumot, hygiene kits at iba pang pangunahing pangangailangan.


Nang mag-low tide, sinimulang maglagay ng mga sandbag sa nasirang dike ng mga tauhan ng City Engineering Office subalit, bumigay din ito nitong Linggo ng umaga matapos magkaroon ng butas.


Samantala, nagpadala rin ng mga rescue boat si Malabon Mayor Jeannie Sandoval sa pamamagitan ng City DRRMO para tumulong sa paglikas sa mga apektadong pamilya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page