Sandamakmak na paglabag sa mass gathering, ‘di nakakagulat
ni Ryan Sison - @Boses | April 29, 2022
Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Ediardo Año ang Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan na maging mas istrikto sa pagpapatupad ng health protocols laban sa COVID-19.
Ang utos ay matapos makapagtala ng mga paglabag, partikular ang mass gatherings na tumaas nang mahigit 5,000%.
Ayon sa kalihim, hindi maaaring muling magkaroon ng COVID-19 surge sa bansa kahit mayroong projection na maaaring tumaas ang bilang ng mga kaso sa susunod na mga buwan o linggo.
Base sa ulat, mula Abril 15 hanggang 24,724 mass gathering violations ang naitala, katumbas ito ng pagtaas nang 5,469% kumpara sa 13 insidente noong nakaraang linggo.
Tumaas din ang no physical distancing violations sa 9,057 o 201% pagtaas mula sa 3,002 noong nakaraang linggo. Habang ang hindi pagsusuot ng face mask ay naitala sa 84,969 o 169% increase mula sa dating 28,622.
Bagama’t wala umanong lugar sa bansa ang nakasailalim sa granular lockdown, nagpahayag ng pagkabahala si Año sa posibleng pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit dahil sa dumaraming bilang ng protocol violations.
Hindi nakakagulat kung tumaas ang bilang ng mga paglabag dahil sa pagluluwag ng restriksiyon sa ilang lugar. ‘Yun nga lang, dapat gumawa tayo ng paraan upang hindi ito magresulta sa hawahan, lalo pa’t may naitala nang bagong Omicron variant sa bansa.
Nakalulungkot lang dahil marami sa atin ang nakalimot na sa mga minimum health protocols at maski tamang pagsusuot ng face mask ay ‘di na nagagawa.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, galaw-galaw at sundin ang utos na mahigpit na ipatupad ang health protocols, anumang restriksiyon ang umiiral sa bawat lugar.
Siyempre, hindi lamang gobyerno ang dapat kumilos dahil tayong mamamayan ay dapat may gawin din.
Hangga’t maaari, magkusa tayong sumunod sa health protocols kahit pa maluwag tayong nakakagalaw. Malaking tulong ito para maiwasan ang hawahan at paglabag.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments