Sanayan lang ang pandemya
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 15, 2022
Dumating ang pandemya. Dumating ang isa sa madilim na karanasan na ating hinarap nang buong takot at pagtanggi. Mula nang unang lockdown noong Marso, 2020 hanggang ngayon, makaraan ang 22-buwan at mahigit tatlong milyong kaso ng COVID-19 sa ating bansa, mukhang unti-unti na tayong nasasanay sa buhay-pandemya.
Tingnan natin kung paano tayo nasasanay o sinasanay ng pandemya: sanay na tayong mag-facemask sa lahat ng oras, lalo na tuwing tayo ay lalabas. Sanay na tayong maghugas ng mga kamay at maya’t maya ay mag-alcohol. At kapag nag-lockdown, handa na rin tayong hindi lumabas ng bahay at mag-ingat nang husto na hindi mahawa o makahawa ng iba.
Ngunit merong dalawang uri ng pagharap sa pandemya: ang aktibo o pasibong pagharap.
Marami sa ating nasasanay sa pasibong pagharap. Ito ang pagharap na wala masyadong ginagawa at naghihintay na lang ng anumang kumpas na manggagaling sa barangay, sa DOH, sa Simbahan o saanmang institusyong makapangyarihan. Magtatago nga tayo sa bahay, ngunit wala tayong masyadong gagawin, kundi ang maghintay, manood ng TV, kumain, magkuwentuhan, mag-TikTok o matulog. Ngunit merong mas makabuluhan at epektibong pagtugon – ito ang aktibong pagtugon.
Maaaring gawin ang apat na bagay: una, natuto ng ‘bagong disiplina’, sa pagkain, pag-aalaga sa katawan, pag-eehersisyo, pagpapahinga at iba pa. Natuto tayo magtipid at umiwas sa walang saysay na paggastos hindi lang dahil mahirap ang pera, kundi merong mas mahalagang paggagamitan ang pera.
Pangalawa, binigyan tayo ng nakaraang dalawang taon ng sapat na karanasan at pagkakataon para mag-aral, palawakin ang ating kaalaman sa maraming bagay mula kalusugan hanggang sa paghahanapbuhay, pagtulong sa kapwa at pagpapalalim ng kaalaman at pananampalataya – natuto na tayo ng ‘bagong kaalaman’.
Pangatlo, hinamon tayo ng pandemya na maging matatag sa isip, puso, diwa at kaluluwa. Nagkaroon tayo ng sapat na panahong magdasal, magnilay, manahimik at magpalakas ng kalooban – natuto tayo ng ‘bagong buhay-espirituwal’.
Pang-apat, bagama’t marami tayong panahon para sa sarili, napakarami ring pagkakataong tumingin sa labas at tumulong sa kapwa. Natuto tayo ng ‘bagong ugnayan’ sa kapwa.
Ito ang makabagong sanayan ng pandemya – ito ng biyaya ng pandemya.





Comments