top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

San Oscar Romero ng San Salvador, tinig ng walang tinig

BULGAR
Mar 26, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 26, 2022


Ipinagdiwang ng Simbahang Katolika at ng Anglican Union ang kapistahan ni San Oscar Romero, Arsobispo ng El Salvador noong nakaraang Huwebes, ika-24 ng Marso 2022.


Hindi pa siya masyadong nakikilala ng marami, ngunit sa tingin ko napapanahon nang makilala siya. Ito ang dahilan kung bakit siya dapat makilala hindi lang ng mga Kristiyano kundi ng lahat ng nagmamahal sa katotohanan, katarungan, kapayapaan at dangal ng tao.


Isang tunay na pastol ng kanyang kawan si San Oscar Romero. Kakaibang lider ang Arsobispo ng El Salvador. Siya’y matapang, matatag, tapat at laging masasandalan. Isa sa kanyang mahalagang sinabi ay, “Kung sino ang may tinig ay dapat magsalita para sa mga wala.”


Sinabi din niya, “Kailangan natin laging labanan ang karahasan at laging itaguyod ang kapayapaan.”


Isa pa sa mahalaga niyang sinabi ay, “Hindi kalooban ng Diyos na merong ilan na merong lahat at iba na walang-wala.”


Sa kanyang buhay bilang Arsobispo ng San Salvador, nakita ng Santo kung paano apihin at pahirapan ang mga pesante o magsasakang Salvadorenyo at kung naisin ng rehimen ng presidenteng diktador na si Heneral Carlos Humberto Romero (walang relasyon sa Santo).


Noong ika-23 ng Marso 1980, nanawagan siya sa mga sundalo na itigil ang karahasan at huwag barilin ang mga Salvadorenyo dahil ang mga ito ay kanilang kapatid.


Kinabukasan habang nagmimisa si San Oscar sa isang ospital, sa harapan ng mga madreng nagsisimba, isang lalaking may mahabang baril ang pumarada sa likuran ng simbahan at tinutukan si San Oscar at pinaputok ang baril. Pumasok ang bala sa puso ng Santo at kumalat ang dugo sa kanyang kasulya.


Namatay na martir para sa maliliit na pesante ang Arsobispo. Maalala sa buhay ng banal na martir na hindi ito ganon ka-tapang sa simula. Nagbago ang Arsobispo nang binaril ang kaibigan nitong si Padre Rutillo Grande, isang Heswita na naglilingkod sa mga mahihirap at pinahihirapang mga pesante.


Minisahan ng Arsobispo ang katawan ng kanyang kaibigan kasama ng dalawang lalaki, sina Manuel Colorzano at Nelson Rutilio Lemus.


Noong taong 2010, idineklara ng United Nations General Assembly ang ika-24 ng Marso bilang “International Day for the Right to the Truth Concerning Gross Human Rights Violations and for the Dignity of Victims” bilang pagkilala sa buhay ng martir na naging tinig ng mga walang tinig.


Mahalaga ang pagkilala ng United Nations sa kontribusyon ng Santo. Ang araw ng pagpatay sa martir ay idineklara ng UN bilang “Pandaigdigang Araw ng Karapatang Malaman ang Katotohanan tungkol sa paglabag sa Karapatang Pantao at para sa Dangal ng Biktima.” Napakahalaga ng karapatang ito, lalo na para sa mga bansa na ang namumuno ay aktuwal na diktador o nagmimistulang hindi diktador.


Sa ganitong mga bansa, sistematikong itinatago ang mga kaso ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Napakaraming paraan ng paglabag sa karapatang pantao, mula sa tortyur, pagkulong na walang warrant, pagkawala, sari-saring pagpaparatang sa mga itinuturing na kalaban ng estado, sari-saring panggigipit tulad ng death threats at mga matitinding paninira at pambabatikos ng mga trolls.


Napakahalagang pag-aralan ng mga Simbahang Kristiyano ang buhay ng Obispong Martir ng Amerikas upang maging higit na malinaw ang tungkuling ipahayag ang tunay na mensahe ng ebanghelyo. Madalas-dalas ko na ring marinig at mabasa ang mga katagang, “Silence is not an option.” Hindi maaaring piliin ang katahimikan, sa harapan ng hayagang paglapastangan sa mga karapatang pantao.


Sa mga nagdaang taon ng kasalukuyang administrasyon, merong ilang mga manggagawa ng Simbahan at mga pinuno nito na nagsalita laban sa extra-judicial killings o EJK na umano'y sinimulan ng Pangulo sa tulong na rin ng kanyang mga tauhan na itinulak ang Oplan Tokhang. Natatala sa humigit kumulang 30,000 ang naging biktima ng Tokhang. Dahil dito, meron nang nakasalang na “Crimes Against Humanity” laban sa Pangulo at sa ilang mga kasama nito.


Hindi madali, hindi ligtas ang mga nagsalita laban sa mga paglabag ng karapatang pantao.


Salamat sa paghirang kay San Oscar Romero, meron tayong inspirasyon, gabay at proteksyon sa pagsasagawa ng maselang tungkuling ito na galing sa Ebanghelyo ng ating Panginoong Hesu Kristo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page