Samahan ng kumpanya ng sardinas, umaaray na, umapela ng taas-presyo

ni Lolet Abania | March 10, 2022

Nakatakdang makipagpulong ang Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) sa Department of Trade and Industry (DTI) sa Biyernes, Marso 11, upang talakayin ang posibleng pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto, sa gitna ng tumitinding sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa CSAP, ang gastos sa produksyon ay malamang na tumaas lalo na kapag nagkaroon ng muling pagtaas sa mga domestic pump prices, kung saan inaasahang may malakihang pagtaas sa susunod na linggo.
“We understand that the DTI needs to do a balancing act for both the manufacturers and the consumers. However, we are concerned that another round of fuel price hikes would drive up production costs by 3.5%,” sabi ni CSAP executive director Francisco “Bombit” Buencamino sa isang emailed statement.
Nitong Martes, ang mga kumpanya ng langis ay nagtaas na ng presyo ng kada litro ng gasoline ng P3.60, diesel ng P5.85, at kerosene ng P4.10, na ika-10 sunod na linggo nang dagdag-presyo sa produktong petrolyo.
Sa pinakabagong datos na available mula sa Department of Energy (DOE), nakasaad na ang year-to-date adjustments ay mayroong kabuuang net increase ng P8.75 kada litro para sa gasoline, P10.85 kada litro sa diesel, at P9.55 kada litro naman sa kerosene hanggang nitong Pebrero 22, 2022.
Batay din sa isang source ng industriya, posibleng ipatupad ang big-time pump price hike sa susunod na linggo, kung saan ang gasoline ay maaaring tumaas ng P8.28 kada litro, at ang diesel ng P12.72 kada litro.
Iginiit naman ng CSAP ang kanilang posisyon, na ang approval ng DTI para sa suggested retail price (SRP) bulletin ay kinokonsidera bilang isang pagkilos sa “price control”
habang anila, walang kondisyon sa kasalukuyan para pigilan ang pagpapatupad nito.
“The SRP is recommendatory in nature, so it should not be limiting the industry to implement sound price adjustments, especially today when the odds are working against us,” sabi ni Buencamino.
“There is no provision in the Price Act requiring retailers to wait for the agency’s prior approval before implementing any price increase,” dagdag pa nito.





Comments