Samadio sasabak sa Combat Wrestling World C'ships
- BULGAR

- 34 minutes ago
- 2 min read
by MC @Sports News | August 13, 2026

Photo: Si John Andrei Samadio (kaliwa) kasama si coach Karlo Silverio Sevilla III (gitna) ng Combat Wrestling Philippines, Inc. na nag-iisang entry ng Pilipinas sa nalalapit na Combat Wrestling World Championships sa Set. 6, 2026 sa Goyang, South Korea nang dumalo sa Tabloids Organization in Philippines Sports (TOPS) Usapang Sports, Huwebes. (Gen Villota)
Kakatawanin ni John Andrei Samadio ang bansa sa nalalapit na Combat Wrestling World Championships sa Set. 6, 2026 sa Goyang, South Korea. Napili ng Combat Wrestling Philippines ang 25-anyos na combat wrestler mula Los Baños, Laguna bilang nag-iisang entry ng bansa sa world competition na inaasahang lalahukan ng mga grapplers at recreational wrestlers mula sa 12 na mga bansa.
Bitbit ang naging karanasan mula manalo ng silver medal sa 2024 Asian Combat Wrestling Championships sa Men's 73 kg, nais ni Samadio na magpakita ng husay sa pag-balibagan laban sa iba't ibang international counterparts at upang makadagdag lalo sa exposure at experience ng koponan.
"Ganoon po kabilis ang exposure. Kasi nu'ng una kami ni coach nu'ng 2024 ayt nagkaroon ng dagdag na sumali last year at nitong 2026, sobrang madami talaga ang naging curious sa combat wrestling na sumali roon," pahayag ni Samadio sa lingguhang Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports Forum Huwebes.
"Sa totoo lang, the past international competitions, self-funded kami at this time, we could expect na self-support kami kasi wala pa kaming major sponsor at di pa accredited ng PSC at POC. Even in the previous competitions, nagagawa namin at still confident na makukuha natin ng sponsors," ayon kay Coach Karlo Silverio Sevilla III ng Combat Wrestling Philippines, Inc.
Nakatulong din ang pagdaraos ng Buno sa Angono 2: Combat Wrestling and Takedown Challenge na idinaos noong Agosto 2 sa Angono Municipal Gym upang mas lalo pang palawakin ang interes sa combat wrestling lalo na sa grassroots development at sa paghahanap ng mga susunod na medal potentials.
Mula sa gintong medalya sa Angono 2, hangad ni Samadio na makapagdala ng karangalan sa bansa at magsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga kabataan kundi sa kanyang ama na isa sa mga top supporters niya.





Comments