Saludo sa mga pulis na todo-bantay kontra kriminal
@Editorial | October 28, 2022
Nakapagtala ng mas mababang bilang ng mga krimen sa National Capital Region (NCR) ang Philippine National Police (PNP) ngayong papalapit na ang holiday season.
Mas bumaba pa umano ang rate ng peace and order indicator o ang 8 focus crimes na binabantayan sa rehiyon batay sa datos na nakuha sa Regional Investigation on Detection Management Office.
Tumaas din umano ang bilang ng mga nahuhuli na nasa 16,000 na mga indibidwal mula sa dating 15,000 dahilan kung bakit talagang masasabing generally peaceful ang buong Metro Manila.
Una nang iniulat ang malaking pagbaba sa index crime sa bansa kung saan naitala ang nasa 11.98% o 366 na mga kaso.
Mula sa dating 3,056 na mga kasong naitala noong Agosto ay mas bumaba pa ito sa 2,690 nitong Setyembre.
Umaasa tayo na na mas bababa pa ang maitatalang crime rate sa bansa hanggang sa pagsapit ng holiday season sa Disyembre hanggang sa papasok na bagong taon.
Masasabing napakalaking tulong ang mas pinaigting na police visibility.
Ang maximum deployment ng mga pulis at iba pang security personnel para sa pagpapanatili at pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng ating mamamayan ang isa sa nagbigay ng mensahe sa mga kriminal na huwag nang ituloy ang masamang plano.
Kung mapapanatili ang mababang krimen at lalaganap ang kaayusan, mas mabilis ang ating paglaban sa kahirapan.
Mas madaling maghanapbuhay nang walang banta sa ating kaligtasan.
Kaya saludo tayo sa mga awtoridad na nagbibigay-proteksyon sa atin.
Humahanga rin tayo sa lahat ng mamamayan na disiplinado at nakikiisa para sa matiwasay na pamumuhay.



Comments