Salubong kay Trump... 10 libong raliyista, susugod sa ASEAN Summit

by Mervin Reyes @News | November 17, 2026

Photo: KMU / Circulated
Inaasahang lalahok ang mahigit 10,000 aktibista mula sa iba't ibang militanteng grupo sa planong kilos-protesta ngayong araw, Nobyembre 17, laban sa pagdalo ni United States President Donald Trump sa 2026 ASEAN Summit.
Mula sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ang planong martsa patungo sa Philippine International Convention Center (PICC), kung saan ginaganap ang 49th ASEAN Summit.
Sa kabila ng marahas na komprontasyon sa pagitan ng mga rallyista at pulisya sa ilang protesta kahapon, iginiit ng mga militanteng grupo na tuloy ang kanilang pagkilos.
Ayon sa mga aktibista, mas marami pa ang naglakas-loob na pumunta sa Liwasang Bonifacio sa halip na matakot sa magkakasunod na pag-aresto sa kanilang mga kasamahan.
"Tingin namin hanggang bukas ay mas dadami pa ito at talagang mahihirapan ang pulis na pigilan ang pagprotesta ng mamamayan," pahayag ng isang aktibista.
Ayon sa isang kinatawan ng mga militanteng grupo, kailangan pa nilang hintayin ang iba pang delegasyon mula sa iba't ibang rehiyon na bumibiyahe patungong Maynila.
Samantala, ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) ang pag-aresto sa mga aktibista kahapon, kasunod umano ng pagkasugat ng ilang pulis sa gitna ng komprontasyon.
"I would like to remind ‘yung ating pong mga protesters, rallyists, please do not mistake maximum tolerance and restraint to weakness and for a lack of resolve. We, the PNP, will enforce the law and will not abide any violation of it, especially during this time," pahayag ng PNP.
Ipinakita rin ng pulisya ang mga nasugatang tauhan nito na nagtamo umano ng mga pinsala sa ulo matapos batuhin at paluin ng mga raliyista.
Nagkaroon din ng panibagong komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at aktibista sa Liwasang Bonifacio kahapon, ngunit hindi ito nagtagal.





Comments