Salamat Direk Carlo J. Caparas
- BULGAR

- May 27, 2024
- 4 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 27, 2024

Marami ang nagluksa sa pagpanaw ni Direk Carlo J. Caparas noong nakaraang Sabado, Mayo 26 sa edad na 80.
Hindi malinaw kung ano ang naging sanhi ng kanyang paglisan ngunit maliwanag naman sa lahat na sa huling hantungan talaga ang ating paroroonan.
Lingid sa kaalaman ng ilan na higit sa lahat ay isa ako sa pinakamalungkot kaya nag-alay talaga ako ng madamdaming pamamaalam sa isang taong aking tinitingala at itinuturing na mentor.
Napakarami sa kanyang mga nilikha at panulat ang binigyang-buhay ng aking ama sa pinilakang tabing, at kasama riyan ang aking launching movie na “Dugong Buhay.” Mula noon hanggang sa aking pagganap na Flavio sa “Panday”, kinikilala ko ang lahat ng paggabay ni Direk Carlo. Hindi ako magiging isang Bong Revilla kung wala siya.
Kahanga-hanga ang isang Carlo J. Caparas kung paano siya nagsimula bilang isang security guard sa Atlas Publication sa Roces Avenue, Quezon City at sa gitna ng kanyang duty ay pinag-aaralan niya ang mga script na isinusumite ng mga writer-contributor ng script sa naturang publication.
Mula rito ay nagsimula na siyang magsulat ng mga short stories, kung saan siya unang nabigyan ng pagkakataon hanggang matuto na siyang gumawa ng nobela at dito na niya nabuo ang Totoy Bato (1977), Bakekang (1978), Panday (1980) at ang Ang Babaing
Hinugot sa Aking Tadyang (1980) na pawang tinangkilik sa Komiks na inilalathala ng Atlas Publications.
Taong 1981 ay nabigyan naman ng pagkakataon si Carlo Caparas na gumawa ng kauna-unahan niyang pelikula na siya mismo ang director, ito ang Ang Babaing Hinugot sa
Aking Tadyang noong 1981 na pinagbidahan ni Vivian Velez.
Dito nag-umpisa ang pagsikat ni Direk Carlo at nasundan na ang kanyang mga tanyag na obra tulad ng Panday, Joaquin Bordado, Kamagong, Kamandag, Elias Paniki, Tasya Fantasya, Gagambino, Pieta, Kuratong Baleleng, The Cory Quirino Kidnap: NBI Files at marami pang iba.
Taong 2008, napansin ang husay ni Direk Carlo nang gawaran ito ng Sagisag Balagtas Award at mula rito ay lalong pumaimbulog ang kanyang karera, hindi lang bilang tagapaglikha ng mga bagong karakter sa pelikula, kundi isang mahusay na direktor kung saan ang pinakahuli niyang nagawang pelikula ay Kamandag Ng Droga taong 2017.
Malaking kawalan sa industriya ang tulad ni Carlo Caparas dahil bihira ang gaya niya na nag-iisip ng iba’t ibang karakter na nagiging superhero at tinatangkilik ng publiko.
Isang halimbawa ang Panday na mula sa isang simpleng panday na gumagawa ng patalim o espada ay nabigyan niya ng ibang katauhan ang katagang panday na naging pelikula pa ni yumaong Fernando Poe Jr. at maging ang inyong lingkod ay gumawa rin ng pelikulang Panday.
Napakalayo ng narating ni Carlo Caparas mula sa isang ordinaryong security guard ay naging isa ito sa mga pinakasikat na direktor sa pelikula.
Naging inspirasyon din si Carlo Caparas ng napakaraming manunulat sa Komiks kung paano siya nagsikap para mapansin ang kanyang talino sa kabila ng wala naman siyang pormal na edukasyon sa pagsusulat.
Dahil kay Direk Carlo, marami ang naengganyong magsulat sa iba’t ibang larangan na isa siya sa nagbigay ng daan para sa mga baguhang mahuhusay na nais pumalaot sa pagsusulat.
Sa dinami-rami ng manunulat sa pelikula ay bukod tangi si Carlo Caparas na hindi nakatuon sa ‘love story’ at drama na karaniwan nating napapanood dahil napakataba ng kanyang utak para mag-isip ng mga bagong karakter na magmamarka sa publiko.
Ibang mag-isip si Carlo Caparas — at napakaraming bagong sibol ang malikot ding mag-isip ngunit hindi naman nabibigyan ng tamang pagkakataon, kaya posibleng matagalan bago magkaroon muli ng isa pang Carlo J. Caparas.
Kayamanang maituturing sa ngayon ang mga naging obra ni Direk Carlo na dapat nating ingatan upang tuwing mapapanood natin ang mga ito, maaalala nating minsan ay may isang Carlo J. Caparas.
Ilan sa mga blockbuster movie ng aking ama ay kanyang obra, at hanggang sa ngayon ay wala pa ring katulad ang mga kuwento na kanyang nilikha na talagang tatak Carlo Caparas.
Sayang nga lamang at dumating na siya sa kanyang hangganan at hindi na inabot ng mga bagong sibol na dapat ay magkaroon pa ng pagkakataong makakilala ng bagong karakter na iidolohin.
Bilang isa sa mga pinakanamamalagi pa sa industriya ng pelikula ay mami-miss talaga natin ang isang Carlo Caparas dahil sa husay niyang mag-isip ng kakaibang nilalang na sa huli ay tagapagtanggol ng bayan.
Kay Direk Carlo, alam naming nasa tahimik ka nang kalagayan, alam naming isa sa panahong ito ikaw ay magbabalik sa pamamagitan ng iyong lahi o kung sinuman na dadaloy ang talento gaya ng iyong husay sa panulat – hihintayin ka namin.
Wala ka mang katulad, ngunit sana ay huwag naman kaming pagkaitan ng panahon ng isa pang tulad mo na magpapatuloy ng iyong mga ideya para may bagong mapapanood ang publiko.
Isa sa nakikitaan ko ng potensyal ay ang kanyang anak na si Peach dahil siya ang nagkumpirmang pumanaw na ang kanyang ama at sa pamamagitan ng kanyang post sa social media, narito ang makabagbag damdamin niyang panulat na pinamagatang,
‘Sa Bawat Tipa ng Iyong Makinilya’.
“Halos umaga na, sa libliban ng Ugong isang makinilya, pilitang binabasag ang katahimikan roon.
“Isang mananalaysay ng kwento ng buhay, nilalabanan ang antok, nagsusunog ng kilay.
“Sa kanyang taglay na brilyo mga obra maestrang nobela kanyang nabuo.
“Panday, Pieta, Elias Paniki, Bakekang, Totoy Bato ang ilan lamang sa mga ito.
“Sa larangan ng komiks siya ang naghari, naging bahagi ng kultura, naging yaman ng lahi.
“Umabot sa lona ng pinilakang tabing, hinangaan, pinalakpakan ng bayang magiting.
“Subalit buhay ay sadyang may wakas…
“Pack up na Direk. Oras na ng uwian.
“Hayaang kasaysayan ang humusga sa iyong mga obra.
“Salamat Direk Carlo J. sa mga dibuho at istorya.
“Mga istoryang nabuo sa bawat tipa ng iyong makinilya…
“Carlo J. Caparas
“1944 – 2024”
Nakakapangilabot ang kabuuan ng panulat na ito ng anak ni Direk na si Peach ngunit makikita natin dito na hindi tuluyang namaalam si Carlo dahil nag-iwan siya ng ilang patak ng dugo na nananalaytay sa kanyang anak na hindi man pumalaot bilang isang manunulat ay alam nating buhay ang dugo ng isang Carlo J. Caparas.
We have all lost a great creative mind. Hindi matatawaran ang kanyang naging papel sa pagpapalaganap at paglago ng kulturang Pilipino.
Our culture is vastly richer because of him.
Maraming salamat sa lahat Direk Carlo! Rest in peace!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments