Sakripisyo ng mga guro, masuklian sana
ni Ryan Sison @Boses | Marso 26, 2024
Isang pangarap na natupad para sa mga estudyante ng Pag-asa Island Integrated School sa munisipalidad ng Kalayaan, Palawan na tuluyang magkaroon ng kumpletong set ng mga guro mula Kindergarten hanggang Junior High School.
Nitong Marso, ang paaralan ay mayroon nang 10 guro, matapos ang naunang dalawa lamang nito, kung saan ang mga bagong hired at volunteered teachers ay mula sa mainland Palawan.
Para sa mga guro, tinanggap nila ang kanilang assignment na magturo sa Palawan upang matulungan ang mga estudyante at komunidad na magkaroon ng access sa dekalidad na edukasyon.
Ayon kay Eunice Grace Cabitac, isa sa mga volunteered teacher at humahawak sa unang baitang, na sa kanyang dalawang linggo sa isla, inamin niyang nami-miss niya ang kanyang pamilya sa mainland. At upang hindi siya mamuhay mag-isa, inilipat na lamang niya sa Pag-asa Island Integrated School ang kanyang anak na nasa ikaapat na baitang.
Aniya, malayo man sila sa pamilya, pero masaya sila na nakikitang ang mga estudyante na natututo habang naroon (Pag-asa Island Integrated School) silang mga guro.
Umaasa naman ang mga titser na sana ay magamit sila bilang instrumento sa pag-aaral ng mga estudyante at maibahagi ang kanilang kakayanan at kaalaman.
Sinabi ni Teacher Eunice na umaasa rin silang magtatagumpay ang mga mag-aaral sa lugar sa kanilang napiling larangan, at balang araw ay magsisilbing lider ng ating bansa.
Labis naman ang pasasalamat ng mga estudyante sa naturang eskwelahan sa mga karagdagang guro na nagpasyang magturo sa kanila sa kabila ng malayong lugar ang Kalayaan, Palawan.
Ang Pag-asa Island Integrated School ay kasalukuyang mayroong 83 mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10 na nasa dalawang silid-aralan, kung saan mas maraming mag-aaral ang inaasahang mag-e-enroll sa hinaharap habang ang isla ay nagkakaroon na rin ng mas maraming residente.
Sa 32.7 ektarya nito, ang Pag-asa ang pinakamalaking isla sa Kalayaan Island Group, na matatagpuan 277 kilometro mula sa Puerto Princesa sa Palawan.
Salamat sa mga maaasahang guro na handang magturo at magsanay sa mga mag-aaral na magsisilbing lider sa mga susunod na panahon.
Kahit sa malalayong lugar ay nagagawa nilang unahin ang kapakanan ng kanilang mga estudyante habang nasasakripisyo kung minsan ang kanilang pamilya para lamang ibahagi ang kanilang kaalaman dahil na rin siguro sa kanilang katapatan at pagmamahal sa piniling propesyon.
Sana lang matiyak ng gobyerno na nasusuklian ang pagsisikap ng ating mga guro na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon para sa mga kabataan. Tingnan din sana ang kanilang kalagayan at pangangailangan nang sa ganoon ay dumami pa ang mga katulad nila na maituturing nating mabubuting guro.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments