top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Saklolo sa mga gipit at baon sa utang

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 7, 2023
2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 7, 2023


Sadyang nakalulungkot na milyun-milyon pa rin nating mga kababayan ang hindi makayanang magbukas ng tinatawag na “bank account” o account sa bangko sa gitna ng lumalaganap na digital na teknolohiya.


Paano naman gagawin iyan ng ordinaryong mamamayan kung hindi pa nga nila mapagkasya ang kanilang kaunting pera habang problema pa ang pagbabayad ng mga utang at obligasyon.


Lalo na ngayon, hindi naman lumalaki ang kanilang kinikita at tila kaunti ang itinaas sa kanilang mga suweldo, habang tumataas pa ang presyo ng mga bilihin at mga bayarin.


Samantala, tinatarget ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na sa taong ito, maging 70% na ang mga nasa hustong gulang nating kababayang mayroong bank account. Sa BSP survey noong 2021, nasa 56% ito mula sa 29% noong 2019.


Bakit nga ba napakahalaga na magkaroon ng bank account ang bawat Pinoy? Marahil, dahil ang pagkakaroon nito ang isa sa unang mabisang hakbang tungo sa pangarap na pag-angat sa buhay. Ngunit, paano nga ba?


Kung mayroon kang bank account, mas madaling maipadadala sa’yo ang tulong pinansyal o benepisyo mula sa gobyerno na sa halip na hintayin mo pa ang tseke ay maidedeposito na sa’yo ng mas mabilis at hindi mo na kailangang magpunta sa kanilang opisina.


Kung nagtatrabaho ka naman, pinipili ng maraming employer na ideposito na lamang sa bank account ng mga manggagawa ang kanilang sahod para mas maging ligtas at tiyak itong matatanggap.


Kung magbabayad naman ng mga buwanang bills tulad ng tubig at kuryente, maire-remit mo na lamang ito sa mga kumpanyang naghahatid sa’yo ng serbisyo.


Kailangan mo ring magbukas ng bank account para makapangutang. Gaya na lamang ng housing loan, na para makautang sa bangko, kailangan mong magbukas ng bank account kung saan babawasin nila buwan-buwan ang iyong hulog para rito.


Gayundin, kapag mayroon kang bank account, bukod sa may paglalagyan ng iyong pera, kung makakaya na makapagtabi ng kahit paunti-unti, makakaipon ka ng tinatawag na “buffer” o pantawid sa panahon ng biglaang pangangailangan sa halip na mangutang ng may interes.


Kung ikaw naman ay makaipon, mabibigyan rin ito ng interes ng bangko at ang iyong naipon ay magagamit bilang puhunan para sa pag-alagwa ng iyong kabuhayan.


May tinatawag na abot-kayang “basic deposit account” o BDA na maaaring buksan ng ating mga kababayan, kung saan P100 lamang ang paunang deposito at walang balanseng kailangang i-maintain.


Kaya panawagan natin sa mga bangko na mag-offer nito sa ating mga kababayang maliit lamang ang kinikita para naman maabot din sila ng mga serbisyong pinansyal.


Nakalulungkot na ang karaniwan o “average” na balanse sa bangko ng ating mga kababayang may account ay mababa pa sa P5,000. Hirap na hirap talaga ang taumbayan at marami sa kanila ang nakakapagtira lamang ng kinakailangang minimum na balanse sa bangko para hindi mapatawan ng kaltas.


Kung gusto nating tulungang maging kabahagi ng pinansyal na sektor ang ating mga kababayan, tulungan nating magkaroon sila ng kahit kaunting sobra sa kanilang bulsa sa pamamagitan ng totoong paglilingkod sa kanila ng gobyernong ito at hindi kung anu-ano pang gimik!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page