Saklolo sa mga biktima ng bagyo, hindi dapat pinatatagal
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 1, 2022
Matapos dumaan ang dalawang taon na halos walang kahit anong aktibidades ang ating mga kababayan dahil sa pandemya ay sabik na sabik ang lahat na idaos sana ang Undas na nataon pa sa long weekend, ngunit inunahan tayo ng pagragasa ng Bagyong Paeng.
Marami sa ating mga kababayan ang nasa gitna na ng biyahe ang patungo na sana sa kani-kanilang lalawigan, ngunit stranded sa mga paliparan, bus terminal at pantalan dahil sa napakalawak na sakop ng bagyo na apektado ang buong bansa.
Marami ang mga rehiyon na labis na nasalanta, lalo na ang malaking bahagi ng Region 5, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at lumalabas na 15 sa 17 rehiyon sa bansa o 21,148 na iba’t ibang barangay ang tinamaan ng bagyo.
Ang lahat ng 64 probinsya ay pasok din sa 850 kilometer diameter ng Bagyong Paeng at 16 rehiyon ang itinuturing na high risk ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa kalunus-lunos na sitwasyon na kailangan ng mabilis na atensyon.
Sa kasagsagan ng pagbayo ng Bagyong Paeng noong Sabado sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nagsagawa ng emergency meeting ang mga kaanib ng NDRRMC at pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (P-BBM).
Dito ay lumabas ang malaking pagtataka ni P-BBM kung bakit napakaraming nasawi at paanong nangyari na dumami ang casualty sa gitna ng malawakan at paulit-ulit na babala ng pamahalaan sa mga local government unit (LGUs).
Parang lumalabas kasi na tila hindi na tayo natututo sa dami ng matitinding bagyo na dumadaan sa atin na kapansin-pansing nananalasa ng grabe sa huling quarter ng bawat taon.
Nanggagalaiti si P-BBM dahil kitang-kita na may malaking pagkukulang sa paghahanda dahil sa unang naiulat ng NDRRMC na umabot ng 67 ang namatay, ngunit kalauna'y inamin nilang 45 lamang ang nasawi dahil nagkaroon ng ‘overcount’ sa mga namatay sa Bangsamoro Region.
Hindi naman natin mapipigilan ang pagdating ng bagyo at kung gaano ito kalakas, ngunit hindi yata tama na ganyan karami ang mga nasawi at napakarami pa ng nawawala na kung naimpormahan ng tama ang ating mga kababayan ay hindi sana ganyan kalala.
May mga lugar na grabe ring hinagupit ng Bagyong Paeng pero bukod sa napinsala nilang pananim at kabahayan ay naiwasan nilang magkaroon ng mga nasawi dahil sa ang ilan ay nagsagawa ng preemptive evacuation na siyang dapat.
Hindi ko ito tinatalakay para magsisihan pa sa nangyari kung hindi para hindi na maulit ang ganitong pangyayari dahil buhay ng ating mga kababayan ang pinag-uusapan dito kung naagapan sana ng mas maaga.
Posibleng may mga lugar na iniasa na lamang sa media ang anunsyo ng paparating na bagyo at dahil nasa malalayong kabundukan ang iba ay hindi na inabot ng impormasyon kaya wala silang kaalam-alam na matindi ang paparating na bagyo.
Sa Bangsamoro Region, karamihan sa nasawi ay dahil sa landslide, natabunan ng lupa at grabeng putik na ang iba naman ay dahil sa labis na pagragasa ng tubig baha na kung nailikas sana ang mga tao ay hindi umabot sa ganito kalaki ang bilang ng namatay.
Ngayon ay nagdadalamhati ang ating mga kababayan na namatayan pero iba rin ang pinagdaraanan ng mga kababayan nating hindi pa rin nakikita ang kanilang mga kanaak na tinangay ng malakas na agos ng baha dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Bagama’t matindi rin ang pinsala na iniwan ng Bagyong Paeng sa agriculture sector na umabot sa P54.5 milyon ay mas labis pa rin tayong naaapektuhan sa napakaraming buhay na nawala dahil lamang sa kakulangan ng pagsisikap.
Ayon naman sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nasa 22 national road sa Regions 2, 6, 8, 12 at BARMM ang hindi madaanan sa kasalukuyan na inaasahang magpapahirap sa pagdadala ng mga tulong na kakailanganin ng mga nasalanta ng bagyo.
Inirekomenda naman ng NDRRMC sa kanilang pre-disaster risk management ang pagsasailalim sa buong bansa sa state of calamity na maaari umanong tumagal ng isang taon maliban na lamang kung hindi ito papayagan ng pamahalaan.
Samantala, habang bumabayo ang malakas na hangin at ulan noong Sabado ay sinimulan na naming magbasta ng mga ipamamahagi sa mga naging biktima ng bagyo dahil maaga pa lamang ay marami ng lugar ang iniulat na nasalanta.
Kahapon umaga pa lamang, paghupang-paghupa ng ulan ay agad kaming namahagi ng tulong sa ating mga kababayan sa Kawit, Cavite ay napakarami ng ating mga kababayan ang nag-aabang sa kanilang municipal hall at lahat ay personal kong binigyan Family Food Packs at relief packs.
Bandang alas-12: 00 ng tanghali ay nagtungo naman kami sa Noveleta, Cavite dahil napakaraming pamilya na nasa covered court na nagsilbing evacuation center at lahat ay binigyan din namin ng Family Food Packs at relief packs para may pantawid-gutom habvang inaayos ang kani-knailang mga tahanan.
Aalas-2:30 ng hapon ay nagtungo naman kami sa Tanza, kasunod ay sa Bacoor City, kung saan na kami inabot ng dilim sa pamamahagi ng Family Food Packs at relief packs sa mga kababayan nating grabeng nasalanta ng bagyo.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) may kasalukuyan pang namumuong low pressure area (LPA) na anumang oras ay inaasahang magiging bagyo na tatawaging Queen, kaya hindi pa tayo basta dapat mag-relax.
Sa mga kababayan ko, karamay n’yo ako sa inyong pinagdaraanan at asahan ninyong isa sa mga araw na ito ay sisikapin kong makarating sa iba pang mga nasalantang lugar na sana lahat ay personal kong mapuntahan.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments