Sabonis, humalimaw ng 42 pts. Utah Jazz, hindi nakaligtas
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 10, 2022

Nahuli ng bisitang Miami Heat na natutulog ang numero unong Phoenix Suns upang makapulot ng malaking 123-100 panalo sa NBA kahapon mula sa Footprint Center.
Kahit bigo, hawak pa rin ng Suns ang liderato ng liga sa 30-9 panalo-talo subalit mas mahalaga ay umakyat ang Heat sa pangatlo sa Eastern Conference sa kartadang 25-15.
Pinayagan ng depensa na gumawa ang Heat ng 71 puntos sa first half pa lang at umakyat sa 27 ang lamang bago matapos ang 3rd quarter, 98-71. Tinapyas ng Phoenix ang hahabulin sa 13 puntos, 87-100, subalit kumapit ng todo ang Miami sa huling walong minuto at ibinalik ang lamang sa 20 puntos, 107-87, sa ikawalong tres ni Duncan Robinson.
Bumida ang mga reserbang sina Tyler Herro na may 33 puntos at Robinson na may 27 puntos. Bumalik mula health protocol sina Deandre Ayton at Jae Crowder subalit nagwakas ang tatlong sunod-sunod na tagumpay ng Phoenix na pinangunahan ng 26 puntos ni Devin Booker.
Bumalik sa aksyon si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at mga star player ng Utah Jazz subalit kinapos at ginulat sila ng Indiana Pacers, 125-113. Pinutol ng Pacers ang anim na magkasunod na talo subalit lugmok pa rin sa ilalim ng Eastern Conference, 15-25.
Halimaw si Domantas Sabonis sa 42 puntos at winalis ng Indiana ang dalawang laro nila laban sa Jazz kasama ang 111-100 sa Vivint Arena. Nasayang ang 36 puntos ni Donovan Mitchell.
Pinatumba ng Charlotte Hornets ang Milwaukee Bucks, 114-106, sa mainit na kamay ni Terry Rozier na pumukol ng anim na tres para sa 28 puntos. Nagsabog ng 43 puntos at 12 rebound si Giannis Antetokounmpo.
Humaba sa walo ang sunod na panalo ng Memphis Grizzlies at idagdag ang Los Angeles Clippers sa listahan, 123-108, kahit lumiban si Ja Morant dahil masakit ang hita. Humugot ang Memphis ng 26 puntos kay Jaren Jackson Jr. at 23 galing kay Desmond Bane upang takpan ang nawalang 25.0 puntos bawat laro ni Morant.
Triple double si Jaylen Brown na 22 puntos, 11 rebound at 11 assist at gumanti ang Boston Celtics sa New York Knicks, 99-75. Wagi ang Detroit Pistons sa Orlando Magic, 97-92, sa tapatan ng dalawang kulelat sa East.
Samantala, aabangan ngayong araw ang pagbabalik ni Klay Thompson ng Golden State Warriors matapos ang mahigit dalawang taon na nagpagaling ng sari-saring pilay.





Comments