top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Sablay ang payo kay Marcos na isnabin ang interview ni Jessica Soho

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 24, 2022
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 24, 2022



BBM, NA-BASH SA PANG-IISNAB SA INTERVIEW NI JESSICA SOHO--Kung sinuman ang nagpayo kay presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos na isnabin ang imbitasyong interview ni Jessica Soho sa GMA network sa lahat ng presidential candidate ay sablay 'yan.


Ang iba kasing presidential candidate ay nagpaunlak ng interview, tulad nina Vice-Pres. Leni Robredo, Sen. Panfilo "Ping" Lacson, Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno, at bukod tanging si Marcos lang ang hindi nagpaunlak na nagresulta upang batikusin siya ng publiko at i-bash ng mga netizens sa social media.


Dapat sa susunod ay pag-aralang mabuti ni Marcos kung tama o mali ang payo sa kanya ng mga advisers, at kung mali ay huwag niyang sundin kasi hindi naman ang mga advisers niya ang nababatikos ng publiko sa social media, kundi siya, period!


◘◘◘


IMPORTANTE SA MGA KANDIDATO ANG INTERVIEW AT DEBATE SA MAINSTREAM MEDIA--Importante sa mga kandidato ang lumahok sa mga interview at debate na isinasagawa ng mainstream media dahil sa pamamagitan nito ay maipararating nila sa taumbayan o maging sa mundo ang mga nais nilang gawin sa bansa, sinuman ang magwaging pangulo sa kanila.


Hindi porke may social media na ay iaasa na lang ng mga kandidato sa kanilang mga Vloggers, TikTokers at YouTubers ang kanilang kampanya kasi kapag 'yan ang kanilang ginawa ay may "tulog" sila sa halalan.


Sa totoo lang, maraming hindi naniniwala sa mga pino-post sa social media, lalo na't uso ngayon ang fake news.


'Ika nga, mas malaki ang pag-asang manalo ang mga kandidato kung magdyo-join sila sa mga interview at debate sa mainstream media kasi sa mainstream media, bawal ang fake news, boom!


◘◘◘


KAPALARAN NG GMA NETWORK, BAKA MATULAD SA ABS-CBN, NATANGGALAN NG PRANGKISA--Ayon sa kampo ni Marcos, kaya hindi pumayag si BBM na magpa-interview kay Jessica Soho ay dahil bias ito sa mga Marcos.


Naku, nagdedelikado palang matanggalan ng prangkisa ang GMA Network sakaling si BBM ang magwaging pangulo kasi kung inyong matatandaan, 'yung salitang "bias" kay P-Duterte ang ABS-CBN ang siyang sanhi kaya ni-reject ng Duterte gov't. ang prangkisa ng Kapamilya network, boom!


◘◘◘


STATEMENT NG OCTA, PALPAK!--Palpak ang statement ng OCTA Research Group na bumababa na ang COVID-19 cases sa Pilipinas.


Ibinase ng OCTA ang kanilang statement na bumababa na ang COVID-19 cases nang magkasunod na itala ng DOH na mahigit 20-K na lang ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa, kaya lang kamakalawa, Jan. 21, 2022, biglang pumalo sa higit 32-K ang nagka-virus sa bansa, na pagpapatunay na palpak ang sinabi ng OCTA.


Sana, hangga't hindi tuluyang bumababa ang COVID-19 cases sa bansa ay huwag munang magpabida ang OCTA kasi ang pabida nila ay palpak naman, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page