top of page
Search
BULGAR

Sabi ni Romualdez ‘di i-impeach si VP Sara, kapag natuloy, lalabas na sinungaling siya

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Sep. 30, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DAPAT IREKOMENDA RIN NG QUAD-COMMITTEE NA ANG MGA STL FRANCHISE NA INISYU NOON NI GARMA SA MGA JUETENG LORD, TANGGALIN -- Inirekomenda ng Quad-Committee ng Kamara na sampahan ng kasong murder sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager, ret. Col. Royima Garma at Napolcom Commissioner, ret. Col. Edilberto Leonardo kaugnay sa pagpapapatay umano kay dating PCSO Board Member, ret. Gen. Wesley Barayuga noong year 2020, na ang dahilan kaya raw ito ipinapatay ay dahil kontra ito sa sindikato raw nila (Garma at Leonardo) sa loob ng PCSO sa isyu ng pamimigay ng franchise sa mga jueteng lord para magkaprangkisa ng Small-Town Lottery (STL).


Sana hindi lang rekomendasyong sampahan ng kasong murder sina Garma at Leonardo, kundi dapat irekomenda rin ng Quad-Committee na tanggalan ng prangkisa ang mga jueteng lord na nabigyan ng STL franchise, noong si Garma pa ang head ng PCSO, kasi nga, sindikato umanong Garma at Leonardo ang nagbigay sa kanila ng prangkisa, boom!


XXX


KAPAG IMPEACHMENT KAY VP SARA NATULOY, IBIG SABIHIN SINUNGALING SI SPEAKER ROMUALDEZ -- Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na wala raw plano ang Kamara na i-impeach si Vice President Sara Duterte-Carpio.


Iyan ah, sa bibig na mismo ni Romualdez nanggaling ang salitang iyan, na walang plano ang Kamara na i-impeach si VP Sara, kaya kapag dumating ang panahon na may nagsampa ng impeachment case sa bise presidente at tinanggap ito ng House of Representatives, isa lang ang ibig sabihin niyan, sinungaling ang House Speaker, period!


XXX


COMELEC CHAIRMAN GARCIA SA MGA BRGY. OFFICIAL CANDIDATE LANG ASTIG, PERO SA MGA SENATORIABLE, TIKLOP -- Last October 2023 barangay election ay nagpakita ng pagka-astig si Comelec Chairman George Garcia na talaga namang sangkaterbang barangay officials na kandidato ang sinampahan niya ng kasong disqualification dahil sa premature campaigning o pangangampanya kahit hindi pa nag-i-start ang campaign period. Pero sa premature campaigning ngayon ng mga kakandidato sa pagkasenador na halos araw-araw ay nakikita na ang mga mukha sa mga political ads nila sa telebisyon, eh, ang Comelec chairman, “nganga” lang.


Ibig sabihin, pasikat lang pala ang ginawang paghihigpit ni Garcia, noon kasi alam niyang kayan-kayanin lang niyang “i-bully” ang mga barangay official na kandidato, pero sa mga senatorial candidates ay tiklop siya, at ang nakikita nating dahilan kaya dedma lang ang Comelec chairman sa premature campaigning ng mga kakandidato sa pagkasenador, lalo na ‘yung mga re-electionist for senator, ay baka sa takot na bawasan ng mga senador ang budget ng Comelec next year, boom!


XXX


ANG TUMUTULONG SA MAGULANG, MABUTING TAO, PERO ANG HINDI TUMUTULONG, WALANG KUWENTANG TAO -- Isa sa mainit na paksa ngayon sa social media ay kung obligasyon ba ng anak na tulungan ang kanyang mga magulang kapag siya ay nagkatrabaho, nagkanegosyo o naging milyonaryo sa kanyang pinasok na career.

May mga nagsasabing hindi at may nagsasabing oo.


Du’n sa mga nagpapahayag na oo, obligasyon ng anak na tumulong sa mga magulang, sila iyong mga mabubuting tao, at ‘yun namang mga nagsasabing hindi obligasyon ng anak na tumulong sa mga magulang at dedma lang, sila naman ‘yung mga walang kuwentang tao, period!




Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page