top of page
Search
  • BULGAR

Sa sobrang mahal ng sardinas at instant noodles, baka magdildil na lang sa asin ang maralitang Pinoy

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 16, 2022


MALAKING SABLAY ANG PAGTALAGA NI P-BBM KAY PASCUAL SA DTI—Malaking sablay ang pagtalaga ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. (PBBM) sa puwesto kay Sec. Alfredo Pascual ng Department of Trade and Industry (DTI).


Mantakin n'yo, katatapos lang isapubliko ng SWS na 48% ng pamilyang Pinoy ang nakararanas ngayon ng hirap sa buhay, tapos ang ginawa ni Sec. Pascual ay inaprubahan ang pagtataas ng presyo ng sardinas at instant noodles.


Alam naman ni Sec. Pascual na sardinas at instant noodles ang kadalasang inuulam ng mahihirap nating kababayan, eh, sa ginawa niyang ito, baka ang mangyari ay magdildil na lang sa asin o asin na lang ang ulamin ng mga maralitang Pinoy sa sobrang mahal ng presyo ng sardinas at instant noodles.


◘◘◘


PARANG SINABI NG PCAFI NA NEXT MONTH NA LANG GUMAMIT NG ASUKAL ANG MGA NAMAMAHALAN SA PRESYO NITO—Inanunsyo ni Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) President Danilo Fausto na next month ay posibleng bumaba na ang presyo ng asukal kasi sa ngayon ay pumapalo na ito sa P100 per kilo.


Ibig sabihin, wala talagang makitang solusyon ang mga kinauukulan kung paano mapapababa ang presyo ng asukal.


Haya naku, parang sinabi na rin ni Fausto na ang mga namamahalan sa presyo ng asukal ngayon ay next month na lang bumili at gumamit nito.


◘◘◘


WALANG MABILING PUTING SIBUYAS? IMBESTIGAHAN SI VEGETABLE SMUGGLER 'LEAH', MALAMANG, HINU-HOARD NA NITO ANG SIBUYAS—Nag-post sa social media si veteran actress Cherry Pie Picache na pahirapan na ang pagbili ng puting sibuyas at kung may makita naman na nagtitinda nito ay sobrang mahal sa presyong P500 per kilo.

Dapat pamanmanan ni P-BBM sa Customs ang galaw ng isang alyas Leah na kilalang smuggler ng mga gulay sa bansa kasi baka hino-hoard (iniimbak o itinatago) nito ang puting sibuyas at paunti-unti lang ang inilalabas sa merkado, kaya ubod ng mahal ngayon ang presyo nito!


◘◘◘


DAPAT IMUNGKAHI NI CONG. TEVES NA KUNG AYAW NG MGA TAGA-BATAAN ANG NUCLEAR PLANT, SA NEGROS ORIENTAL ITO ITAYO—Nagsulong ng panukalang-batas si Negros Oriental Rep. Arnie Teves na muling buhayin ang Bataan Nuclear Plant dahil kapag nag-operate na ito ay malaki ang maitutulong para bumaba ang singil sa kuryente.


Ang problema sa panukala ni Teves ay ayaw ng mga taga-Bataan na buhayin ito sa pangamba na kapag nagkaroon ng aberya, silang taga-Bataan ang malagay sa panganib.

Tutal si Teves nagmungkahi nito, sana isinama niya sa kanyang panukala na kung ayaw ng mga taga-Bataan sa nuclear plant ay sa kanilang probinsya sa Negros Oriental ito itayo, pero ewan lang kung payag ang mga kababayan niya.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page