Sa Setyembre 26-29… National COVID-19 booster week, itinakda – DOH
ni Lolet Abania | September 11, 2022

Isang national COVID-19 booster week ang isasagawa ng Department of Health (DOH) sa Setyembre 26 hanggang 29 para tumaas pa ang bilang ng mga nagpapa-booster sa pangkalahatang populasyon sa bansa.
Ayon kay Lorra Angelia Sayson, DOH head assistant to the officer-in-charge secretary, ito rin ang inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na may kaugnayan sa kanilang mungkahi na gawing optional na ang pagsusuot ng face masks sa outdoors sa pagtatapos ng taon.
“All government agencies are to implement sector specific policies at lalo na ‘yung magpo-provide ng incentives to encourage individuals to get boosters. Katuwang po natin dito ang iba’t ibang mga ahensiya upang maisakatuparan itong national booster week natin,” saad ni Sayson sa isang radio interview.
Habang naghihintay ng pormal na pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ipinanukala ng IATF ang boluntaryong pagsusuot ng face masks sa mga open spaces o non-crowded outdoor areas na may maayos na bentilasyon, sa kondisyon na ang COVID-19 booster uptake sa bansa ay nag-improve na.
Gayunman, base sa national COVID-19 vaccination dashboard DOH, nasa 18.5 milyong Pilipino lamang ang nakatanggap ng kanilang booster shots hanggang nitong Setyembre 9.
Malayo pa rin aniya ito sa 72.7 milyong Pilipino na fully vaccinated na ngayon laban sa COVID-19.
Ayon kay Sayson, sa 4-araw na national booster week sa katapusan ng Setyembre, plano ng gobyerno na makapag-administer pa ng mas maraming booster shots upang makamit ang kanilang PinasLakas target sa Oktubre 8.
Layon ng PinasLakas campaign na makapagbigay ng booster doses sa 50% ng eligible population ng bansa o 23.8 milyong Pilipino sa loob ng 100 araw ng administrasyong Marcos.
Una nang sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na dinagdagan na ng DOH ang kanilang target na mahigit 400,000 COVID-19 booster shots kada araw matapos na ang kampanya ay bigong makamit ang kanilang daily goals nang magsimula ito.





Comments