Sa serye ng pagdukot at pagpatay… Walang serial killer at ‘white van’ na gumagala – PNP
ni Lolet Abania | August 24, 2022

Mariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na impormasyon hinggil sa isang serial killer o criminal group na nakasakay sa ‘white van’, na nasa likod ng mga insidente ng pagdukot at pagpatay sa bansa.
Sa isang interview ngayong Miyerkules, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na mayroong iba’t ibang suspek sa kidnapping incidents kamakailan at may iba’t ibang motibo kaya ginagawa nila ang mga ito.
“Kung titingnan natin ‘yung mga circumstances dito sa mga nangyaring sunud-sunod na pagkaka-discover ng cadaver pati na nga ‘yung pagdukot at later on nakitang patay, wala po tayong nakikita na serial killer dito dahil iba-iba kasi ‘yung involved dito at iba-iba ang motibo,” paliwanag ni Fajardo.
“Pati na rin ang kumakalat sa social media na sinasabi na meron isang white van na nandurukot, wala pa po tayong nare-record na ganyang insidente,” saad pa niya.
Ayon sa Police Regional Office 4A, isa sa mga reports na nagdulot ng takot at pangamba sa publiko ay ang 25-anyos na lalaki na dinukot sa Taal, Batangas noong nakaraang linggo at natagpuang patay sa Sariaya, Quezon, ng sumunod na araw.
Makikita sa CCTV footage na ang biktima ay bumaba mula sa isang bus nitong Martes ng alas-7:53 ng gabi. Habang nakatayo sa gilid ng kalsada, may mga armadong suspek na sakay ng isang gray SUV at isang gray sedan ang dumukot sa kanya.
Isang kaso rin na 34-anyos na lalaki ang dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Batangas, kung saan mahigit sa dalawang linggo nang nawawala.
Sa salaysay ng live-in partner ng biktima, nakasakay sila sa isang motorsiklo para magsundo na malapit sa bayan nang biglang harangin sila sa daan ng mga armadong kalalakihan saka dinukot ang biktima.
Ayon kay Fajardo, inatasan na ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin ang mga field at regional directors para mas paigtingin ang mga security measures sa kanilang areas of jurisdiction, kabilang na ang mga barangay at malls.
Nanawagan din si Fajardo sa publiko na agad na ireport sa pulisya ang anumang kaugnay na insidente na kanilang mae-encounter upang agad din nilang maimbestigahan ito.
“Asahan niyo po na hindi ito ipagwa-walang bahala ng PNP at gusto naming ma-preempt at ma-prevent itong mga ganitong insidente… Asahan niyo po na pipilitin at gagawin ang lahat ng PNP para ma-solve at madakip ang responsable dito sa mga ganitong insidente,” pahayag pa ni Fajardo.





Comments