Sa Senate hearing sa naabuso raw na si Sandro… SENS. JINGGOY, BONG AT ROBIN, INAKUSAHANG BIASED KAY NIÑO DAHIL KATROPA
- BULGAR
- Aug 14, 2024
- 2 min read
ni Ambet Nabus @Let's See | August 14, 2024

First time ngang nakita ng madla ang pagsasama-sama at pagtatabi-tabi nina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Robin Padilla sa pagdinig nila sa inquiry in aid of legislation ng isyu kay Sandro Muhlach sa Senado.
Kalat na kalat sa socmed (social media) ang nangyaring mga tanungan at sagutan ng mga inakusahang sina Dode Cruz at Jojo Nones kasama ang abogado nilang si Atty. Maggie Garduque, pati na si Niño Muhlach sa panig ng nag-aakusa.
Very confident si Sen. Revilla sa paniniwala niyang mayroon ngang hindi magandang nangyari kay Sandro base raw sa nakita niyang panginginig nito nu’ng ito’y makita niya.
Hataw din sa pagtatanong si Sen. Jinggoy na paulit-ulit talagang ginigisa ang dalawa na tila binabaligtad si Sandro base sa pinaninindigan nilang kuwento.
Hindi naman namin naringgan ng kahit ano si Robin, pero ramdam mo ang presence niya sa hearing, lalo na kapag napopokus siya ng kamera at nakukunan ang kanyang mga reaksiyon.
Sa kabilang dako, maraming mga netizens naman ang nag-aakusa na ‘biased’ umano ang mga senador dahil halata umanong ‘kaibigan at katropa’ nila si Niño Muhlach.
Marami rin ang dinadala ang usapin sa pagtuligsa sa tatlong senador na tinawag pang mga dating ‘galing sa kulungan o ex-convict umano.’
Nakakaloka!
ISA kami sa naaliw at natuwa kay Ellie, anak ni Jake Ejercito kay Andi Eigenmann, sa nag-viral nitong video/photo na tinuturuan si dating Pangulong Erap Estrada kung paanong ‘mag-Eeyyy.’
Kitang-kita kung paanong natutuwa rin ang dating pangulo na i-muwestra ang mga kamay at daliri sa nauuso ngayong ‘Eeeyyyy’ sign na binigyan ng bagong bihis ng sikat na grupong BINI.
Hahahaha! Hindi kami magugulat if one of these days ay i-prank din ni Ellie ang kanyang grandpa sa ngayon namang nagba-viral na, “Just give me the money.”
Hahaha!
BALIK-AKTIBO sa socmed si Megastar Sharon Cuneta matapos nga siyang mapanood sa katatapos na ASAP tour sa L.A., California, USA kamakailan.
May mga natutuwa gaya naming fan niya, pero may mga nang-iintriga pa rin.
Sa latest post kasi ni Mega, may tila pa-survey ito na nagtatanong kung pipirmahan na ba niya ang kontrata sa alok sa kanyang magkaroon ng concert sa North America.
Alam nating paroo't parito abroad si Mega at noon pa talaga may offers sa kanya to do projects abroad.
Ito rin ang naging major reason kung bakit isinama siya sa ASAP concert tour dahil nga sa lagi siyang nandu’n.
And this time na may ganitong balita, hindi naman ito nakakagulat. At kung magkakaroon nga siya ng concert o series of shows sa North America this ‘fall’ kasama ang iba pang artists ay bongga nga ito.
Push na ‘yan, Mega!
Comments