Sa rami ng fake news vloggers na pinapanood ng mga Pinoy, panalo na naman ang mga trapo
- BULGAR
- Feb 24, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 24, 2024
NAPAKASALBAHE NG GOBYERNO KASI PINAYAGANG PUMASOK SA ‘PINAS ANG MGA E-BIKE AT E-TRIKE, TAPOS KUKUMPISKAHIN ANG MGA ITO SA NAKABILI AT SAKA I-IMPOUND -- May mga local government units ang nanghuhuli at nang-i-impound ngayon ng mga e-bike at e-trike.
Ganyan kasalbahe ang mga nasa gobyerno kasi mantakin n’yo hinayaan ng pamahalaan na makapasok sa bansa at ibenta sa merkado ang mga e-bike at e-trike, at ang ginawa naman ng mga kababayan natin na walang kotse ay bumili o kumuha ng hulugan para magkaroon ng mga ganitong kamurang e-vehicles para magamit nila sa hatid-sundo sa iskul sa kanilang mga anak at para magamit din sa pamamalengke, tapos ang ginagawa ngayon ng mga gov’t. officials at nasa katungkulan ay pinahuhuli at ipinai-impound ang mga ganitong sasakyan, tsk!
◘◘◘
SA RAMI NG MGA PINOY NA NANONOOD SA VIDEO POST NG MGA FAKE NEWS VLOGGERS, TIYAK PANALO NA NAMAN ANG MGA TRAPO -- Base sa research na isinagawa ng DataReportal na nakabase sa Australia ay 50.7% daw ng mga Pinoy ang nanonood ng mga video ng mga vlogger sa ‘Pinas.
Sa totoo lang ay nakakabahala ‘yan kasi kung patuloy na manonood ang majority Pinoy sa video post sa social media ng mga vlogger, tiyak mananalo na naman sa darating na May 2025 elections ang mga trapo na ikinakampanya sa socmed ng mga bayarang fake news vlogger.
◘◘◘
NOONG PRESIDENTE PA SI EX-P-DUTERTE LAHAT NG SABIHIN NIYA, SUPORTADO NG MGA CONG. SA MINDANAO, PERO NGAYONG WALA NA SIYA SA PODER, KINOKONTRA NA -- Kinontra ng 57 congressmen na taga-Mindanao ang naisin ni ex-P-Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Noong presidente pa si ex-P-Duterte lahat nang sabihin niya suportado ng mga cong. sa Mindanao, pero ngayong wala na siya sa poder, kinokontra na, tsk!
◘◘◘
TATAAS TALAGA PRESYO NG MGA BILIHIN KASI SUNUD-SUNOD ANG OIL PRICE HIKE -- Tumaas na naman ang presyo ng mga produktong pagkain sa merkado.
Sunud-sunod ba naman na magtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, natural na ang kabuntot n’yan ay pagtaas ng presyo ng mga bilihin, period!





Comments